Inilahad ni AiAi Delas Alas ang dahilan kung bakit meron siyang "green card," na dokumentong nagpapatunay na maaari na siyang manirahan at magtrabaho sa Estados Unidos.
"Ako, 'yung punta ko kasi doon, 'yung sa green card ko. 'Yung kumbaga on the side na lang 'yung vaccine, 'yon talaga 'yun. Kasi sayang din naman, para may second option," paliwanag ni AiAi na guest co-host sa programang "Wowowin-Tutok To Win" ni Willie Revillame.
Napag-usapan ang green card ni AiAi dahil nagpaalam siya kay Kuya Wil na aalis papuntang Amerika.
Sinabi ni Kuya Wil na dapat ipaliwanag ni AiAi kung bakit naging green card holder siya para maunawaan ng mga tao.
Sabi naman ng aktres, nag-apply siya ng green card dahil mas mapapabilis nito ang proseso sa tuwing kailangan niyang lumipad sa Amerika para magtrabaho.
"Kasi po kaya ako nag-green card kasi napakahirap na tuwing nagpe-perform kami doon, araw-araw pumupunta po kami sa embassy. So malaking bagay din po na green card [holder] ako," anang Kapuso Comedy Queen.
Bukod dito, ang madalas din siyang magpunta sa Amerika dahil kailangang niyang puntahan noon ang kaniyang mga anak na doon nag-aaral.
"At lalong-lalo na kasi po 'yung mga anak ko noon, noong maliliit pa sila, teenager, nasa Amerika po sila, kailangan ko silang parating puntahan. Kaya kailangan mag-green card ako na [pabalik-balik] ako kasi 'yung mga anak ko nandu'n 'yung dalawa," paliwanag pa ni AiAi.
Taong 2012 nang lumipad pa-Amerika sina Sophia at Niccolo.
Nakuha ni AiAi ang kaniyang green card noong 2015.--FRJ, GMA News