Ibinahagi ng Kapuso star na si Chynna Ortaleza ang nararanasang anxiety attack kaugnay ng COVID-19 pandemic kaya naisip niyang manirahan sa labas ng Metro Manila.
Sa video ng Kapuso Showbiz News, aminado si Chynna na labis silang nag-alala noon sa COVID-19 pandemic ng kaniyang mister na si Kean Cipriano kaya hindi sila halos lumalabas ng bahay at hindi tumanggap ng trabaho.
Aminado rin siya na dahil isa siyang city girl at lumaki sa Metro Manila, naging mataas ang kompiyansa niya sa health care system pero nakita niya ang naging mga problema patungkol nang dumami na ang mga nagkakasakit.
Ngunit nang minsan magkaroon sila ng pagkakataon na makapag-beach, nakaramdam daw ng gaang sa loob si Chynna at tila na-recharge siya sa mga pag-aalalang kinaharap noon.
Pero ilang araw lang matapos makabalik sa lungsod, nakaramdam na naman siya ng takot lalo na nang magkasakit ang kaniyang tiyuhin at kailangan ma-intubate.
"Pagbalik ng Maynila, pagdating ko dito after five days sinabi sa akin, my uncle was gonna be intubated. So boog! bagsak na naman. Parang anong nangyari? Bakit mai-intubate?," saad niya.
"Bumabalik na naman yung pakiramdam ko, hindi na naman ako makahinga. may mga ganito akong pakiramdam," patuloy ng aktres.
Doon na raw niya sinabi sa kaniyang asawa na si Kean at kaniyang ina na baka puwede siyang pagbigyan na mag-renta sila ng simpleng bahay na malayo sa lungsod.
Kamakailan lang, ibinahagi rin ni Chynna nang maiyak siya sa labis na pag-aalala dahil sa pandemic at nakita siya ng isa niyang anak.
Tuluyan na nga bang iiwan ni Chynna ang kaniyang pagiging city girl? Panoorin ang buong panayam sa kaniya sa video.
--FRJ, GMA News