Kilala sa kaniyang pagiging wais na misis, ibinahagi ni Neri Miranda ang ilan sa kaniyang tips para mas pumatok pa ang negosyo, lalo na ng mga "mompreneur" kagaya niya.
1. Isulat ang mga ideya
Para kay Neri, importante ang notebook para maisulat ang mga kakailanganin sa negosyo, tulad ng checklist at mga ideya.
2. Tingnan ang mga hamon sa negosyo bilang oportunidad
"May challenges tayo pero minsan doon nagbubunga 'yung ating mga negosyo," kuwento ni Neri sa iJuander.
3. Patuloy na mag-innovate
Ayon kay Neri, saludo siya sa mga nanay na sumusubok ng ibang paraan para kumita ng pera, na malayo sa kanilang trabaho o nakagawian.
4. Pag-aralan at isagawa ang mga ideya
"Importante 'yung idea mo, huwag mong kakalimutang i-execute 'yon. Kasi kung idea lang siya, hindi mo gagawin, wala, kukunin na lang din ng iba. Kasi may iba rin nakakaisip ng idea mo eh," sabi ni Neri.
5. Mag-hire ng mga tao na mas magaling sa'yo
Payo ni Neri, ang mga tao na magpapagaan ng trabaho ng isang entrepreneur ang mga dapat i-hire pagdating sa negosyo. —LBG, GMA News