Tulad ng isang magulang na hindi nakakaiwas sa makukulit na tanong ng kanilang mga anak, inilahad ni Camille Prats kung paano siya maingat na nagpaliwanag kay Nathan nang magtanong ito tungkol sa ibig sabihin ng pagiging "bading."
Sa Mars Sharing Group ng "Mars Pa More," sinagot ni Camille ang tanong na, "Ano ang isasagot mo kapag tinanong ni Nala sa'yo 'Mommy what does it mean when people say 'You're bading'?"
Ayon kay Camille, tinanong na ito sa kaniya ni Nathan noon.
"Tinanong na ako nito ni Nathan dati noong lumalaki siya. So kahit ako parang na-confuse, like 'Oh no, paano ko ba ipapaliwanag sa kaniya na maiintindihan niya?"
"So ganito explanation ko Mars. 'I think some men, they look like boys, but they have a heart of a girl. And vice versa,'" sagot ni Camille sa kaniyang panganay na anak.
Dagdag ni Camille, "'So that's why they look that way or they dress up a certain way, or they act a certain way, it's because from the outside they look like a boy, but from the inside they have a heart and feelings of a girl."
"So ganoon ko siya pinaliwanag, Mars. Tapos parang naintindihan niya na parang 'Ah okay.' Tapos natapos na kami doon," ayon sa Kapuso actress-host.
Ang "The Clash" Season 3 first runner-up naman na si Jennie Gabriel, inihayag na suportado niya ang kaniyang anak na si Kalel kung sakaling dumating ang araw na magdesisyon itong maging isang gay.
"Karamihan naman sa friends ko, gay sila, ang sarap kasama talaga ng mga bakla. I love them, sobra. Kaya ako, kung iyon ang gusto niya, I don't have any choice, 'yun ang heart's desire niya eh, ayun ang gusto niya eh," saad ni Jennie.
Gayunman, ipinakita na raw agad ng anak ni Jennie ang pagiging straight nito na lalaki.
"But anyway, ramdam ko sa anak ko talaga lalaking-lalaki, kasi alam na niya 'yung mga crush eh. 'Kailan ako magkaka-girlfriend? How old ako puwedeng mag-girlfriend?' Gumaganoon siya sa akin. Kaya sabi ko 'Ah lalaki ito.' Kaya I don't think so," kuwento pa ni Jennie. —LBG, GMA News