Ibinahagi ng Kapuso star na si Gabbi Garcia ang community pantry na itinayo sa BF Northwest, Parañaque City.
Sa Instagram post, ibinahagi ni Gabbi ang ilang larawan sa itinayong pantry na puwedeng kumuha ng ilang produkto tulad ng gulay, bigas, noodles, sardines, bottled water, at may free ice cream pa.
“Libreng gulay para sa ating mga security guards, kuya riders, construction workers. Salamat po sa inyo,” nakalagay sa isang poster.
Sa caption ng larawan, sinabi ni Gabbi na ipinost niya ang larawan “with nothing but pure and good intentions.”
“This is to inspire everyone that despite the situation, we can all help each other in our own little way,” dagdag niya.
Nagpasalamat din si Gabbi sa kanilang komunidad sa ginawang inisyatiba na tumulong.
“Thank you also to everyone who stopped by to drop their donations. May God bless you more!,” anang aktres.
Inihayag din ni Gabbi ang paghanga sa mga nagsulputang community pantry sa iba't ibang bahagi ng bansa. “Salamat sa inyo!!! Keep going! God bless your pure hearts! Tayo tayo ang magtulungan.”
Nagsimula ang community pantry sa Maginhawa sa Quezon City nitong nakataang linggo, at mula noon ay may mga nagtayo na rin nito sa iba't ibang bahagi ng bansa.--FRJ, GMA News