Magiging mas kapana-panabik ang panonood sa GMA Afternoon Prime block dahil magbabalik ang “Ang Dalawang Mrs. Real,” na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes, Lovi Poe, at Diamond Star Maricel Soriano.

Magsisimula ito sa Marso 29, na kuwento ng isang lalaki na umibig sa dalawang babae at pareho niyang pinakasalan.

Si Anthony Real (Dingdong) ay naipit sa isang bigamous relationship kina Millet Gonzales-Real (Maricel) at Shiela Salazar-Real (Lovi).

Mahal ni Anthony ang dalawa na kumukumpleto sa kaniya bilang isang lalaki, asawa at ama. Ngunit sa hangarin niyang pasayahin ang dalawang babae sa kaniyang buhay, mapagtatanto niya na nakakasakit siya ng damdamin.

Si Millet ay isang matagumpay at mapagmahal na babae na ipagpapalit ang kaniyang karera para maging isang mapag-alagang asawa. Handa niyang gawin ang lahat para sa kaniyang pamilya, at sa asawang si Anthony.

Si Shiela naman ay mayroong matapang at mapangahas na personalidad ngunit kalaunan, lalabas ang kaniyang kahinaan bilang babae sa pagkahulog niya kay Anthony.

Babaliktad ang kanilang mundo kapag nalaman nilang pareho silang Mrs. Real.

Kasama rin sa serye ang mga respetadong TV, theater, at movie actors at actresses na sina Robert Arevalo, Celeste Legaspi, Tommy Abuel, Jaime Fabregas, Susan Africa, Alessandra de Rossi, at Coney Reyes.

"Ang Dalawang Mrs. Real" na pinamahalaan ni direk Andoy Ranay, ay higit pa sa isang drama na tumatalakay sa pagtataksil. Ipakikita nito ang mga tunay na kapalit at pagbabago sa buhay ng isang nagtaksil at pinagtaksilan, kung saan walang nagwawagi.

Mapapanood “Ang Dalawang Mrs. Real” sa Lunes, Marso 29, pagkatapos ng "Babawiin Ko Ang Lahat", sa GMA Afternoon Prime.--Jamil Santos/FRJ, GMA News