Pinangunahan ng award-winning screenwriter na si Ricky Lee ang workshop para sa ilang writers ng GMA Public Affairs at GMA Entertainment Group.
Sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing 12 linggo isasagawa ang in-depth workshop na sinimulan nitong Pebrero, kung saan kasali rin sa workshop ang ilang executives ng Kapuso network.
Layunin nito na mapahusay pa ang kaalaman ng mga kawani sa napili nilang larangan sa pagsusulat.
Sinabi ni Lee na dapat humugot ang mga taga-GMA Public Affairs mula sa kanilang mga kuwento na base sa mga tunay na karanasan.
Dagdag pa niya, open at receptive ang mga kasali sa workshop kaya lalong naging exciting at challenging ang kanilang pagsasanay.
Si Lee ay isa sa visionaries sa industriya ng telebisyon at pelikula ng bansa na tumanggap na ng mahigit 70 awards.
Siya ang sumulat ng mga libro at script ng pelikulang "Himala," "Salome" at "Brutal." --Jamil Santos/FRJ, GMA News