Inihayag ni Kris Aquino na naibenta na niya ang kaniyang bahay sa Greenmeadows sa Quezon City, at pinag-aaralan niya ang lumipat sa ibang lungsod.

"Para further na ma-clarify, binenta na po namin ang bahay namin in Greenmeadows in Quezon City this December 2020," ani Kris sa kaniyang tell-all video na ipinost sa social media nitong Marso 21.

"We are just waiting to sign the lease contract lease, meaning magre-rent kami ng condo in a different city," patuloy pa niya sa gagawing paglipat.

Sa nauna niyang video, sinabi ni Kris ang plano niyang umalis muna sa Metro Manila at tumira sa isang beachfront sa Boracay.

Pero sa bago niyang video, sinabi ni Kris na nagbago ang kaniyang plano dahil sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.

"For my health, we were actually ready. Nag-down payment na nang malaki to lease this villa in Boracay, but 'yung last blood panel ko it was not good," lahat ni Kris.

"Hindi ako pinayagan ng mga doktor ko to go far away. I needed to stay near them," dagdag niya.

Inihayag din ni Kris ang posibilidad na lumipat siya sa kanilang hometown sa Tarlac.

"Shifting to Tarlac to vote was the ideal because I didn't want to be impulsive with the major purchase," ayon kay Kris.

"I wanted the time to decide kung bibili ba ng condo magtatayo ba kami ng property in the South, because we do have one in the South, or will we create a small compound in Tarlac," paliwanag niya.

Sa naturang 25-minute video na ipinost niya noong March 21, binuweltahan din ni Kris ang mga nagpapakalat ng intriga at naninira sa kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby.

Ibinahagi rin niya na sinubukan niyang mag-reconnect kay dating Quezon City mayor Herbert Bautista. — FRJ, GMA News