Sobrang saya ang nararamdaman ng Kapuso star na si Ai-Ai delas Alas sa pagtatapos sa kolehiyo ng kaniyang bunso at nag-iisang anak na babae na si Sophia Andrea.

Nagtapos si Sophia sa De La Salle University sa kursong bachelor of science major in early childhood education.

“Una sa lahat CONGRATULATIONS aking bunso at only daughter ko (Bachelor of Science Major in Early Childhood Education graduate) SOPHIA ANDREA DELAS ALAS at gagraduate na sya sa wakas wohoooo,” saad ni AiAi sa caption ng larawan ng kaniyang anak.

“Nag papasalamat ako sa POONG MAYKAPAL AT MAMA MARY sa pag gabay sa akin bilang isang ina na maitaguyod ko ang pag aaral ng aking anak .. naiiyak ako sa tuwa aktwali naiiyak talaga ko so iiyak nako hehe,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa actress-singer-tv host, para siyang nakatanggap muli ng papal o international acting award.

“Parang nabigyan ulit ako ng papal award at international acting award sa nangyareng ito sobra sobrang trophy ito anak ... bawat magulang ay yan ang pangrap ang mapagtapos ang kanilang mga anak,” ani AiAi.

Pinasalamatan din ni AiAi ang ama ng kaniyang na si Miguel Vera, at partner nitong Priscilla.

 

 

“Nag-papasalamat din ako kay miguel (papa ni budang) at sa kanyang maybahay na si pricilla dahil noong wala pa kaming bahay sa amerika doon tumira ang anak ko habang nag aaral sya ng hschool at first year college salamat @priscillasalud,” pahayag ng aktres.

Itinuturing din ni AiAi na regalo para sa kaniya ang nakamit ng anak.

“Napa ka agang pang valentines at pa bday ni lord ito pa ra sa akin .. salamat DLSU sa ilang taong pamamalagi nya sa unibersidad na yan ... iam so proud of you baby girl budangdin, budang kulotski,budaski .. andrea .. i love you so dearly anak @sophdelasalas .. ANIMO LASALLE,” sabi pa niya sa caption.--FRJ, GMA News