Inihayag ni Princess Punzalan na nakaranas siya ng pagmamalupit noong bata pa siya mula sa isang tao sa totoong buhay. Ang taong ito raw ang pinagbasehan niya para magampanan ang sikat na kontrabida role niyang si Selina sa telebisyon.
Sa online show na "Just In," ikinuwento ni Princess na bago siya makilala bilang si Selina sa 90s teleserye, na-typecast muna siya bilang isang "underdog, kawawa, martir, 'yung very meek at laging umiiyak."
Pero ayon kay Princess, naniwala sa kaniya ang production na kaya niyang umarte bilang isang kontrabida.
"And then sabi nila mukhang mabait pero meron palang kulo na itinatago," sabi ng aktres.
Nang gampanan na niya ang kontrabida role, inalala ni Princess ang pagmamalupit umano na naranasan niya mula sa isang tao, na hindi na niya pinangalanan, noong bata siya.
"Actually it felt like it was therapeutic for me. Kasi pinagbasehan ko ang role sa isang tao na naging malupit sa akin noong bata ako," sabi ni Princess.
"So 'yung tingin, 'yung pananalita, the way she made me feel, ginamit ko para maging siya si Selena. Pinatern [pattern] ko si Selena after a real person. And 'yung mga bagay na hindi ko nagawa or I wish I could have done, ginawa ko through 'yung sa pag-aarte," dagdag niya.
Workshop with Gina Alajar
Kuwento pa ni Princess, minsan na siyang sumali sa workshop kasama ang direktor na si Gina Alajar, na nakapansin noong una na nahihirapan siya sa paglalabas niya ng galit.
"I guess growing up I learned how to bottle up my feelings na puro tiis-tiis at saka 'yung talagang pinipitik kong ganoon para hindi lumabas 'yung feelings," dagdag ni Princess, na sinabing ang "anger" at "laughter" ang "two hardest emotions" na hindi niya kayang ipakita noong nagsisimula siya bilang artista.
Dahil dito, tinanong ng "Just In" host na si Paolo Contis ang aktres: "Why is laughter hard for you?"
"Hindi ako sanay tumawa. Mas sanay akong umiiyak," nakangiting sabi ni Princess. "It helped me internally, 'yung pag-portray ng role na 'yon."
Para kay Princess: "'Yun ang isang magandang bagay sa trabaho natin bilang artista. Marami tayong nae-explore na emotions na normally hindi mo ma-explore sa tunay na buhay."
Patuloy niya, "Kasi it's either bawal or natatakot tayo baka makasakit tayo ng ibang tao. Hindi natin ma-explore 'yung emotions na 'yun but through acting marami tayong puwedeng i-experiment para mas makilala natin 'yung sarili natin at para for the sake of art." --FRJ, GMA News