Tinatanong din ni Ruby Rodriguez ang sarili kung nalampasan na ba niya ang pagdadalamhati sa pagpanaw ng kapatid niyang doktor na si Sally Gatchalian dahil sa COVID-19.
Sa "Mornings with GMA Regional TV," inilahad ni Ruby kung paano kinakaya ng kanilang pamilya ang dumaang pagsubok noong nakaraang taon.
"It changed us so much. Dito na-prove na sa lahat talaga ng pagdadaanan mo sa buhay mo, you can only rely on your family talaga for everything," sabi ni Ruby.
Ayon sa Eat Bulaga Dabarkads, nakiramay din ang kaniyang mga kaibigan, pero iba pa rin kapag nagdadalamhati kasama ang pamilya.
"And of course faith gives us hope. So nalagpasan ko na nga ba? 'Yun ang tanong," sabi ni Ruby. "Kasi meron pa rin akong incidents na bigla na lang akong iiyak, 'cause I'm very close to my sister."
"It's hard but you have to smile na lang and look at the people that inspire you especially my children and say 'You have to be strong.' It's hard for all of us up to now. We were still coping with it," patuloy ng aktres na napapanood sa primetime series na "Owe My Love."
Patuloy na nananalig ni Ruby para makayanan ng kaniyang pamilya ang pagsubok sa kanila.
"Nakakapit talaga sa Panginoon kasi Siya lang talaga ang mag-aangat sa atin. Siya lang talaga ang magpapalakas sa atin. At alam ko na sa pagsubok na ito, bitbit Niya ako," patuloy niya.
Si Sally o Dr. Gatchalian, ay naging President of the Philippine Pediatric Society at Assistant Director of the Research Institute for Tropical Medicine (RITM), kabilang sa mga unang duktor na nasawi sa pakikipaglaban sa COVID-19.--FRJ, GMA News