Sa kabila ng mga pag-aalinlangan, inilahad ni Matt Lozano na masaya siya sa pagtanggap sa kaniya ng mga tao bilang si Big Bert sa live action adaptation na "Voltes V: Legacy."
"Sobrang happy ako kasi tinanggap ako ng mga Kapuso para maging Big Bert, and sobrang proud ako doon," sabi ni Matt sa programang "Mars Pa More."
Bago nito, nagkaroon pa raw si Matt ng pag-aalinlangan na mag-audition para sa karakter.
"Sobrang nakakakaba. Kasi ang tagal ko nang wala sa showbiz, so [iniisip] ko, sinabi ko sa sarili ko na baka wala na akong career sa show business. So alangan ako noong mag-audition," sabi ni Matt.
May pag-aalinlangan man, kumuha si Matt ng isang trainer sa arnis para mapaghandaan niya ang kaniyang audition.
"Bago ako mag-audition, nag-hire ako ng Grand Master ng arnis para naman prepared ako pagdating sa audition. Pagdating ko sa audition sobrang kabado ako pero ibinigay ko naman 'yung best ko," sabi niya.
Bilang si Robert Armstrong o Big Bert, ang karakter ni Matt ang piloto ng Volt Panser, ang magiging katawan ni Voltes V.
"Talagang pinanood ko, inulit ko 'yung buong series kasi nu'ng 90s sobrang fan ako ng Voltes V. Nagte-training ako ngayon ng martial arts, nagko-continue lang ako ng pagte-training ko sa arnis and 'yung Master ko, 'yung coach ko tinuturuan niya akong gumamit ng long stick which is 'yung pinaka-favorite na weapon ni Big Bert," anang Kapuso actor.
Dati nang inilahad ni Matt na masayahing tao ang karakter ni Big Bert, pero may itinatagong lungkot ito dahil sa pagkawala ng ama.
"Hindi rin ako makapaniwala. Parang ngayon lang lahat nagsi-sink in kahit na last year pa kami lahat tinatawag at na-confirm. Medyo hindi ako sanay ngayon na nilabas na nila kasi sanay na ako na secret lang ito," sabi ni Matt. --FRJ, GMA News