Umani ng paghanga at suporta ang naging sagot ni Geneva Cruz sa isang netizen na nagkomento sa kaniyang beach photo na, "wala na, matanda na."
Sa Facebook account ng singer-actress, makikita ang larawan niya habang nakabikini at nakaupo sa beach.
“I was smiling yesterday, I am smiling today, and I will smile tomorrow simply because life is too short to cry for anything. -Somebody Smart,” saad sa caption ng 44-anyos na si Geneva.
Marami ang nagkomento ng paghanga kay Geneva dahil napanatili niyang maganda ang katawan.
Pero ang isang nagkomento, nagsabing "Wala na. Matanda na."
Sinagot naman ito ni Geneva na tila may halong pang-aasar.
“Mas matanda ka. Lakas mo makatanda diyan! LMAO (laughing emojis) Matanda ka na naiinggit ka pa. Umayos ka nga po. Be nice to people,” saad niya.
Sinuportahan naman ng mga follower si Geneva at binatikos din ang basher na nagkomento.
Sa hiwalay na komento, nagpaliwanag at humingi ng paumanhin si Geneva kung bakit kailangan niyang sagutin ang basher.
"Minsan lang kasi napakadaling maging rude sa social media kasi hindi naman natin nakikita ang tao ng personal. We can even change our appearances and pretend to be someone else maka-sakit lang tayo ng kapwa natin," anang singer-actress.
"Sana lang, if you think saying something rude to someone makes you happy, make sure walang maibabato sa inyo," patuloy niya.
Sinabi rin ni Geneva na minsan na rin may nagsabi sa kaniya na tumigil na sa pagkanta dahil "matanda" na siya.
"Before nga nasabihan ako na wag na ko kumanta because I’m old na? Eh, performing is my livelihood; it’s how I support myself, my children, and my family... so excuse me lang if nagsasalita ako kung kinakailangan," paliwanag pa niya.
Kahit 44-anyos na, sinabi ni Geneva na pakiramdam niya ay mas bata pa siya sa naturang edad.
"Age is only a number, and you know why I look more youthful than my age? Because I choose to only wish my fellow people love and support....when someone needs uplifting; I’m all for it....I will remind that person that he or she is special. Life is too short to be remembered as someone rude and arrogant," payo niya. --FRJ, GMA News