Dalawang buwan nang walang trabaho ang isang Pinay OFW sa Dubai dahil natapos na ang kaniyang kontrata sa trabaho noong Disyembre. Pero kahit gusto na niyang umuwi sa Pilipinas, hindi niya magawa dahil hindi pa ibinibigay ng kaniyang kompanya ang mga dokumento na kailangan niya.
Sa programang "Wowowin-Tutok To Win," sinabi ng OFW na si Rina kay Willie Revillame na merchandiser siya ngayon at 11 taon nang nagtatrabaho sa Dubai.
Nalungkot si Kuya Wil nang malaman niyang 2014 pa nang huling umuwi ng Pilipinas at nakapiling ni Rina ang kaniyang pamilya.
Kaya naman nang matapos na ang kaniyang kontrata noong Disyembre, nasasabik na si Rina at ang kaniyang pamilya sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.
Pero bukod sa sahod na isang buwan at plane ticket na hindi pa ibinibigay ng kaniyang kompanya, hindi pa rin daw ibinibigay kay Rina ang dokumento na magpapatunay na tapos na ang kaniyang kontrata sa pinapasukan kaya hindi siya basta-basta makalalabas ng Dubai.
Panoorin ang buong kuwento ni Rina sa video na ito at alamin kung bakit hinangaan ni Kuya Wil ang pagiging tapat niya.
--FRJ, GMA News