Kompleto na ang limang pangunahing bida sa inaabangang live action series ng "Voltes V Legacy," matapos ipakilala na kung sinong mga Kapuso star ang gaganap na Steve Armstrong at Jamie Robinson.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakilala si Miguel Tanfelix, ang gaganap na si Steve, ang team leader at mapagmahal na kapatid.
Si Steve ang piloto ng volt cruiser na nagiging ulo ni Voltes V.
"Ang sarap sa pakiramdam, para akong nasa cloud 9 at tuwing gigising ako sa umaga I'm so pumped eh.," anang aktor.
Isang taon daw na pinaghandaan ni Miguel ang kaniyang role.
"Si Steve, lider siya eh alam ko kung paano umasta bilang isang lider, paano 'yung confidence niya and of course nagbabasa din ako ng books about leadership at nakikinig ako ng podcast," paliwanag niya.
Pangako niya sa fans ng Voltes V; "Babalik iyong pagkabata ninyo, maaalala ninyo 'yung moments ninyo habang pinapanood ang Voltes V."
"At sa ka-henerasyon ko ngayon, ipaparanas namin kung ano nararamdaman ng nanay [at] tatay ninyo habang pinapanood ang Voltes V with a different flavor, paparamdam namin sa inyo iyong lungkot, saya, epicness at marami pang iba," patuloy niya.
Ang nag-iisang babae sa grupo na si Jamie, gagampanan ni Ysabel Ortega.
Si Jamie ang ninja at pilot ng volt lander, ang nagiging paa ni Voltes V.
Kahit may pandemic, nagpatuloy si Ysabel sa paghahanda sa kaniyang role.
"Even before na mag-start pa 'yung official training namin, gusto ko na magkaroon man lang ng konting background sa martial arts, sa kick boxing, sa Muay Thai. So I can say na now I’m more than ready," anang aktres.
Para kay Ysabel, ito na ang pinakamalaking break sa kaniyang career.
"Voltes V has a lot of meaning to its story its not just about family its not just about fighting for what you believe in its about serving your country, its about being a hero in your own way and i would like to be in that position to inspire a lot of people," aniya.
Nitong Lunes, ipinakilala ang tatlo pang miyembro ng grupo ng Voltes V team na sina Radson Flores, bilang si "Mark Gordon,"; Matt Lozano bilang si "Robert 'Big Bird' Armstrong"; at si Rafael Landicho, bilang si "Little Jon."--Jamil Santos/FRJ, GMA News