May bagong handog ang GMA Network sa mga Kapuso kung saan puwedeng maging TV ang Android phone gamit ang bagong mobile digital terrestrial television (DTT) receiver na "GMA Now."

Inilunsad ang GMA Now matapos ang matagumpay din na paglulunsad noong nakaraang taon ng digital TV receiver na GMA Affordabox.

Sa pamamagitan ng GMA Now, maaari nang mapanood ang mga paboritong Kapuso show maging sa labas ng bahay gamit ang Android phone. 

Sa kabila ng nararanasang pandemic, tiwala si GMA New Media Inc. president and COO Dennis Augusto Caharian, na makakamit nila ang target na 500,000 hanggang isang milyong benta ng GMA Now sa loob ng isang taon.

"We are confident given the amount of smartphones out there,” anang opisyal. “The target market are people in general. People who love to watch TV, people who have smartphones.”

Patuloy pa ni Caharian, “Based on our data, a lot of people consume video through mobile phones.”

Pormal na ilulunsad ang GMA Now sa Linggo, Pebrero 7.

Nagkakahalaga ang bawat unit ng GMA Now ng P649, at mabibili sa ngayon sa ilang bahagi ng Metro Manila, Calabarzon, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Metro Cebu, Davao, Baguio, at Cagayan de Oro.

“Those are the coverage areas for GMA Now,” GMA New Media Inc. Senior Vice President and Head of New Businesses Evert Miranda.

“With the intent to expand and improve the signal, we will be adding more to the list anytime soon,” dagdag niya.

Maaaring gamitin ang GMA Now sa ano mang Android smartphone na mayroong Android OS Marshmallow (Android 6.0) o mas mataas pa, Dual Core 1Ghz CPU, at USB OTG support.

Para magamit ang GMA Now, kailangang mag-download ng GMA Now app sa Google Play Store para libreng makapagparehistro at ikabit ang GMA Now dongle sa smartphone.

Puwedeng mabili ang GMA Now sa Shopee at Lazada. —Jamil Santos/FRJ, GMA News