Aminado si Baguio City mayor Benjamin Magalong na may health protocols na nalabag sa idinaos na 44th birthday party ni eventologist and socialite Tim Yap na ginawa sa The Manor Hotel. Pag-amin pa ng alkalde, dumalo siya at ang kaniyang asawa sa naturang party.
"I would just like to clarify, I was there, nandoon ako. Inimbita ho ako," pahayag ni Magalong sa panayam sa radyo nitong Miyerkules.
"Ang nangyari po nu'n, prior to that, si Mr. Tim Yap and his group, nagpunta po doon sa aming art exhibit at ang dami ho nilang nabiling art, paintings... Alam niyo naman ang local artists namin, talagang naghihikahos,” sabi pa ni Magalong, na pinupuri dahil sa mahusay na pagtugol sa COVID-19 pandemic sa kaniyang lungsod.
Pinupuna ng mga netizen ang naganap na party nang kumalat sa social media ang mga larawan ng mga dumalo na walang suot na face mask, face shield, at may mga magkakalapit pa.
Ayon kay Magalong, dumalo sila ng kaniyang asawa sa party para pasalamatan si Yap at ang grupo nito sa pagsuporta sa kanilang mga artist at sa turismo ng Baguio.
“"Dinala na kami sa mismong dining, we were seated. May may umiikot na picture-taking, siyempre siguro sa excitement, yu'ng iba na-excite, nagtatanggal ng masks pa-picture picture. Pero ako po, lagi akong naka-mask,” paliwanag ng alkalde.
"Pero siyempre ako kasama ko 'yung wife ko. 'Yung wife ko naman siyempre there will come a time na excited 'yung wife ko, nag-picture," patuloy niya.
Pero pinaalalahan daw niya ang mga bisita magsuot ng face mask na itinatakda dahil sa pandemic.
Sinabi pa ni Magalong na may cultural dancers sa party.
"Nu'ng natapos na po 'yung actual nas cultural show, it's a tradition, bababa po 'yung cultural dancers namin tapos i-invite ho ng visitors to dance with them, community dancing. Eh siyempre kumakain 'yung ibang guests, inimbitahan ng community dancing, sumabay na po sa community dancing, doon ko na nakita 'yung wala ho silang masks," kuwento niya.
Nang tanungin kung may minimum health standards na nalabag sa party, sabi ni Magalong: "Meron pa rin, meron pa rin. Even my wife violated it, nagtanggal nga 'yan because may picture-taking, tatayo ka, magpi-picture-taking kayo tapos uupo ka uli."
Gayunman, sinabi ng alkalde na may pagkakataon talagang malalabag ang health protocols sa mga naturang pagtitipon.
"One way or the other... 'pag nagkaroon tayo ng happenings sa bahay or sa mga friends natin, picture-taking, sometimes ang ginagawa na lang natin, 'O walang magpo-post,' ganu'n nga po ang nangyari," aniya.
Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang kanilang legal officer kaugnay sa nangyari.
"Walang entitlement po ito... Tao lang po tayo, sometimes we are just so engaged in one particular activity na talagang masayahin, minsan nakakalimutan din po natin," saad ni Magalong. —FRJ, GMA News