Batid ni Michael na mayroon siyang talento bilang events host pero limitado raw ang natatanggap niyang trabaho dahil sa kaniyang hitsura. Kaya nang makaipon ng pera, sunod-sunod niyang "ipinaayos" ang kaniyang mukha.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inamin ni Micheal na umabot sa 10 retoke ang ginawa sa kaniyang mukha. At hindi naman nasayang ang kaniyang gastos at sakripisyo dahil nagbunga ito ng mas maraming trabaho bilang events host.
Bata pa lang daw, nagiging tampulan na ng tukso si Michael dahil sa kaniyang hitsura.
“One time, nasa labas ako ng bahay. Nakaupo ako sa hagdan. Kasama ko iyong friend ko. Tapos she squeezed my face. Sabi niya, ‘Michael, ang pangit mo,’” kuwento niya.
Mula raw noon naging conscious na si Michael sa kaniyang hitsura.
Nang makapagtrabaho at makaipon, una raw ipinaayos ni Michael ang kaniyang tenga dahil tinutukso siya noon na daga. Ipinagawa rin niya ang kaniyang ilong.
At mula noon, sunod-sunod na ang pagpapaayos ni Michael ng kaniyang mukha na aabutin na raw ng gastos sa halos P1 milyon.
“Nag-reunion kami ng mga college friends ko. Iba na iyong tingin nila na hindi na ganon katulad dati na ‘pag inaasar nila ako," ayon kay Michael.
“Masarap iyong nabubuhay ako sa mundo na may nagmamahal sa akin sa kung sino ako at kung sinong mahal ang pinili kong maging ako. Sobrang naging mas buo, mas naging confident ako," patuloy niya.
Nakatatanggap na rin siya ng malalaking trabaho na hindi niya nakukuha noong hindi pa siya nagpaparetoke.
Bago nga raw magkaroon ng pandemic, nakaka-dalawa o tatlong gigs siya sa isang araw. Nagpapa-picture pa sa kaniya ang mga tao.
Pero kahit masaya si Michael sa kaniyang ginawa, may ibang tao na patuloy pa rin daw na nagpapahayag ng negatibong komento sa kaniya.
“Minsan, nakakarinig ako na iyong, ‘mukha na siyang robot,’ president ng science club kasi nga gawa ng siyensa. Just when I was bullied as a kid, I just kept quiet and I processed things inside,” ani Michael.
Paglilinaw ni Michael, ibinahagi niya ang kaniyang kuwento hindi para hikayatin ang iba na magparetoke rin kung hindi ang ipaliwanag sa mga tao ang dahilan sa likod ng pagpaparetoke.
“Hindi ko sila ine-encourage magpa-cosmetic surgery, gusto ko lang ma-realize nila kung bakit may mga taong nagpapagawa. May mga katulad ko na mahirap ang pinagdaanan,” ayon kay Michael.
Ngayon, kontento na raw siya sa mga ginawa sa kaniya.
“It feels good to be accepted by your close friends and most especially by your family. Siguro, mas mabubuhay tayo ng masaya sa mundo kung maganda na lang iyong sasabihin natin tungkol sa iba,” saad ni Michael.
“At the end of the day ’pag hinarap na natin ang Diyos, ito naman din iyong titingnan niya, eh. Okay na magpaganda pero dapat maganda rin iyong kalooban,” sabi pa niya. “Choose to be your own beautiful.” – FRJ, GMA News