Ibinahagi ni "The Clash" alumnus Jong Madaliday ang naranasang niyang panlalait mula sa Pinoy netizen na mas tumitingin sa pisikal na anyo ng entertainer sa halip na sa talento. Kasabay nito, pinasalamatan naman niya ang mga nasiyahan sa kaniyang pag-awit, pati na ang mga dayuhan.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Jong na ibinahagi niya ang kaniyang karanasan para ipaalam sa publiko ang kanilang pinagdadaanan sa napili nilang propesyon, at ipanawagan na itigil ang pambu-bully.
Kamakailan kasi, naghatid si Jong ng good vibes sa mga tao sa pamamagitan ng mga awitin sa website na Omegle.
"If I have a golden buzzer right now, I'll be hitting that!" komento ng isang dayuhan mula sa US.
"That was so good! You're so good! Keep up the amazing work!" sabi naman ng isang taga-Norway.
Kinagiliwan ito ng maraming netizens at umabot ng 121,000 reactions.
Kasunod nito, pinagbigyan ni Jong ang mga nagre-request na mga Pinoy na kaniya ring inawitan.
Pero kung paghanga ang natanggap niya sa mga taga-ibang bansa, panlalait naman ang natanggap ni Jong ng ilang Pinoy.
"Lintek na ilong 'yan!" komento ng isang lalaki nang maka-chat nila si Jong sa OmeTV.
Ipinaalala naman ni Jong sa lalaki na nasa vlog niya ang mga ito.
Dahil dito, inihayag ni Jong ang kaniyang saloobin sa nangyari.
"Gusto ko lang naman kayo pasayahin pero bakit ganun? 1st time ko dito andami kasi nagrerequest na mga Pinoy naman daw haranahin ko pero ganito ang naingkwentro ko whoo lets go (laughing emoji) naka tatlong video palang ako niyan pass mona sa OmeTv Omegle nalang tayo (laughing emoji) " natatawang sabi ni Jong.
"PASS MO NA AKO SA OMETV (smiling emoji) MAS OKAY NAYONG BUGBOGIN KA MATATANGAL PAYONG SAKIT PERO MASASAKTAN KA EMOTIONAL SH*T DIKO KAYA" dagdag niya.
"Dito sa Pilipinas di sapat na may talento ka kasi lahat kayang gawan ng issue. Woah! Grabe ito yong time na sana sa ibang bansa nalang ako nakatira, siguro mas tanggap nila ako, mas maaappreciate nila ang hitsura ko, ang kulay ko, at ang talento ko. Napaka-hirap mag-excel sa Pilipinas kung "ganito" kalang. (sad emoji)" sabi pa ni Jong.
Paglilinaw ng The Clash alumnus, hindi niya pinost ang video para kumuha ng simpatya, kundi ipakita "kung ano ba talaga ang totoong nangyayari samin na nakikipagsapalaran sa ganitong klase ng mundo."
"Pero marami pa namang Pilipino ang nakakaappreciate satin at lubos po akong nagpapasalamat sa lahat ng suporta at pagmamahal. Hindi po ako susuko, tuloy ang laban ng buhay!" ayon sa kaniya.
Hiling pa ni Jong sa publiko, itigil ang pambu-bully.
"Hindi ko lang ito pinost para sakin, pinost ko'to para sa lahat ng mga binubully rin to raise awareness na it's not okay, may nasisirang mga buhay dahil sa pagiging reckless either it is unintentional or what," saad niya.
"Wala naman mawawala satin kung magiging kind tayo sa isa't isa. Let's spread happiness and be kind to everyone please. Kasi di natin alam sa konting act ng kindness natin nakakasave tayo ng buhay. Please be kind please. (heart emoji) sending my love to you guys stay safe," patuloy ni Jong.-- FRJ, GMA News