Inihain na ni Batangas Representative Vilma Santos-Recto ang panukalang batas para ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN Network.
Sa House Bill 8298, nais ng actress-turned-politician na bigyan ng 25-taon na bagong prangkisa ang ABS-CBN, na nabigong maibigay nitong nakaraang taon matapos na ibasura ng House Committee on Legislation Franchises.
Ginawa ng tinaguriang Star For All Season ang paghahain ng panukala, ilang linggo matapos naman maghain ng katulad na panukala sa Senado si Senate President Vicente Sotto III.
Bagamat hindi nakapasa noong nakaraang taon ang prangkisa ng ABS-CBN, umaasa si Ate Vi na mas mapagbibigyan ngayon ang prangkisa na makalusot sa ilalim ng bagong liderato ni Speaker Lord Alan Velasco.
Nangyari ang pagbasura sa prangkisa noong panahon ng pamumuno sa Kamara ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Pero sa televised briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, bagaman walang tinukoy na pangalan ng kompanya, may binanggit ang Punong Ehekutibo tungkol sa prangkisa na hindi raw niya palulusutin.
Inaakusan ni Duterte ang hindi tinukoy na kompanya na nagsamantala at hindi raw nagbabayad ng tamang buwis.
“Maski na bigyan ninyo ng limang libong franchise ‘yan, hindi i-implement ‘yan… Just because you gave them franchise, it does not follow that all of their misdeeds in the past are condoned,” sabi ni Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, "For all I care, you can have a 1,000 franchise, you will not see the light of day until you come to government with clean hands. Ika nga, he who comes to equity must come with clean hands. . . .Wala akong galit, bayaran mo lang ang gobyerno, sasaludo ako sa inyo limang beses." --FRJ, GMA News