Extra special ang Pasko ni Winwyn Marquez matapos siyang tumulong na maghatid ng saya para sa mga kabataan sa Tawi-Tawi, kabilang ang paghahandog nila ng mga kasamahan niya sa Navy ng bagong playground.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Winwyn ang pamimigay ng Marine Battalion Landing Team-6 (MBLT-6) ng mga pagkain, tsinelas, laruan, pati ang pagtatayo ng bagong playground para sa mga bata sa Brgy. Parang Pantay, Languyan.

"If opportunity doesn't knock, build a door," caption ni Winwyn.

Ayon sa Kapuso actress, hindi niya hinayaan na palampasin ang kaniyang tungkulin bilang isang reservist sa kabila ng limitasyon sa pag-travel at kaabalahan niya sa mga locked-in taping.

"Cupcakes, sopas, slippers, toys, and candies may only be small things that we usually take for granted in our daily lives but for the children in Tawi-Tawi, who barely receive assistance and attention during this Christmas season, such treats are already godsend," ani Winwyn.

"Before the year ends, try to be someone's sunshine," saad pa niya.

Natapos at nag-top si Winwyn para sa marine reservist training sa ilalim ng Philippine Naval Reserve Command nitong Nobyembre. – Jamil Santos/RC, GMA News