Sa pagpasok ng taong 2021, inilahad ni Rita Daniela na gusto niyang ma-improve pa ang kaniyang sarili, tulad ng pag-achieve ng kaniyang body goals.
"Sa New Year, siguro for a better me. Kailangan mas pipili ako ng food that I would eat, more water tsaka less chemicals na pinapahid sa katawan, mas more on organic and natural tayo ngayon," saad ni Rita sa Mornings with GMA Regional TV.
Ayon kay Rita, ilang buwan na niyang sinusubukan ang paggamit ng mga organic para sa kaniyang katawan.
"I've been trying within six or five months na and I felt so much better. So more of that, and para matupad na 'yung body goals ko. Itodo na natin itong 2021," sabi niya.
Muling makakatambal ni Rita si Ken Chan para sa upcoming Kapuso series na "Ang Dalawang Ikaw," na tumatalakay sa usapin ng dissociative identity disorder (DID).
Gaganap si Rita bilang si Mia, asawa ng karakter ni Ken na si Nelson, na magkakaroon ng kaagaw sa kaniyang mister dahil sa split personality nito.
"Mia has a very strong personality, she's a silent fighter and she really loves to love, most especially si Nelson, 'yung asawa niya," anang aktres.
"Kahit na may strong personality siya, she's very charming and a very lovely woman. Lahat gagawin niya para sa mga taong mahal niya," sabi ni Rita.
Nagbigay din si Rita ng mensahe sa fans.
"Sobrang mahirap ang taon na ito pero mabait ang Panginoon, mahal na mahal niya tayong lahat hindi niya tayo pababayaan," anang aktres.
"Kaya konting kapit na lang sabay-sabay nating makakamtan ang bagong buhay, more opportunities, more chances for us. Lahat tayo babangon, malalampasan din natin ito [mga pagsubok],"patuloy niya--FRJ, GMA News