Bagong show at bagong ka-love team ang naghihintay kay Julie Anne San Jose sa 2021 sa pagbibidahan niyang upcoming Kapuso series na "Heartful Café."

"It's a good way to start the year kasi siyempre kapag bagong taon, bagong opportunities, bagong blessings. So I'm very, very excited," sabi ni Julie sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Dumalo na si Julie ng story conference kasama ang cast at bago niyang makakapareha na si David Licauco.

Unang beses daw na sasabak si Julie sa isang lock in taping.

"I'm really looking forward din sa mangyayari sa tapings namin. And of course I'm also looking forward to working with new people. It's a very light show, sobrang ganda ng story, sobrang exciting lang," sabi ni Julie.

"Dito namin malalaman kung ano 'yung capability ng team up naming dalawa ni David so I'm also looking forward kung ano ba 'yung kayang mai-offer ng team-up," sabi ni Julie.

Inihayag naman ni David na excited na rin siyang makatrabaho si Julie, na isa sa kaniyang mga hinahangaan lalo pagdating sa pagkanta.

"Julie is an award-winning artist, so siyempre marami akong matututunan from her. I'm just gonna absorb everything. Ako, medyo bago pa talaga ako sa industry," ani David.

Katatapos lang ni Julie sa kaniyang hosting stint sa The Clash Season 3.

Makakasama pa rin si Julie sa GMA New Year's Countdown, na maiiba ngayong taon.

Samantala, magiging simple naman ang handaan nilang pamilya sa Pasko.

"It's all about giving and sharing your blessings din to other people, especially who are in need. Aside from that, 'yung celebrating the birthday of our Lord Jesus Christ. It's just gonna be simple, simpleng handaan lang. Ang importante talaga magkakasama kayo," sabi ni Julie.--Jamil Santos/FRJ, GMA News