Humingi ng paumanhin si Miss Manila 2020 Alexandra Abdon sa hindi niya pagpunta sa "Wowowin" matapos siyang magkumpirma kay Kuya Wilie Revillame noong nakaraang linggo. Natuloy na rin ang harapan nila ni "Hipon Girl" Herlene Budol at sinubukang ayusin ang naging alitan nila sa isa't isa.
Muling tinawagan ni Kuya Willie Revillame si Alexandra para tanungin kung bakit hindi ito natuloy noong Lunes na dapat sana'y araw ng guesting niya.
Tinanong din ni Kuya Wil si Alexandra kung ano ang tunay na pinag-ugatan ng away nila ni Hipon, bagay na tila walang alam dito ang beauty queen.
"Ang dami niyang sinasabi tungkol sa akin pero ako mismo hindi ko alam kung ano 'yang mga 'yan. Backtstabber," sabi ni Alexandra tungkol kay Hipon.
"Actually Wil, hindi ko gagawin 'yun dahil hindi naman kami close," sabi ni Hipon. "Mas maganda 'yung kalooban ko kaysa sa kaniya."
Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan nina Herlene at Alexandra nang ayon kay Herlene, nagkomento umano si Alexandra sa shooting nila ng billboard ng Frontrow na "Dapat susyal lang tayo, hindi pang-squatter. Dapat pang-revel!" Ikinasakit ito ng damdamin ni Herlene.
Hanggang sa inaya ni Kuya Wil on the spot kung makakapunta ba si Alexandra sa studio para tuldukan ang alitan nila ni Herlene, at pumayag ang beauty queen.
"Marunong naman ako mag-apologize at umamin sa mali ko, pero hindi ko kasi talaga alam," sabi ni Alexandra nang magharap sila ni Hipon.
"Tinawag mo lang naman akong 'squatter' so tawag sa inyo 'sosyal,' so sa amin 'low-class.' Girl ganoon kasi ako nakilala so kailangan ko ba baguhin ang sarili ko para sa'yo?" sabi ni Herlene.
Apology ni Alexandra kay Kuya Wil
Kasabay nito, nag-sorry din si Alexandra matapos hindi makarating nitong Lunes sa kabila ng pagkumpirma niya noong isang linggo.
"Siyempre nag-confirm ako noong Monday, baka sabihin kasi ng ibang tao na medyo ano ako eh. So nag-confirm ako ng Monday, I maybe said 'Yes' or partly said 'Yes,' pero siyempre nag-confirm ako sa madaming tao so ngayon, mag-a-apologize ako for not showing up last Monday," sabi ni Alexandra.
"Personally, live, dito, maririnig niyong lahat. Kuya Wil, sorry," sabi ni Alexandra. "Kasi po may shoot po noon. Nakapag-commit na po ako, 'yung mga tao nakapag-book na, 'yung spot na-book na sa Tagaytay po."
Sa huli, pumayag din sina Herlene at Alexandra na mag-handshake at magkabati na. – Jamil Santos/RC, GMA News