Inihayag ni Barbie Forteza ang plano nila ng nobyong si Jak Roberto kung paano ipagdiriwang ang Pasko ngayong taon na may COVID-19 pandemic.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Barbie na apat na taon nang hindi malamig ang Pasko niya dahil halos apat na taon na rin ang relasyon nila ni Jak.
Pinagplanuhan na raw nina Barbie at Jak ang kanilang magiging Christmas ngayong taon.
"Hati na lang muna kami sa hamon. Tipid-tipid na lang muna. Love na lang muna this Christmas. And also we decided to spend the holidays at home para mas safe," kuwento ni Barbie.
Samantala, makakasama ni Barbie sa unang pagkakataon ang mag-asawang theater veterans na sina Robert Sena at Isay Alvarez, sa Christmas episode ng "Magpakailanman" sa Sabado.
"Talagang how a family's love can really cross borders, even death, even beyond life, talagang mapaparamdam ng pamilya ang pagmamahal sa'yo," sabi ni Barbie tungkol sa istorya ng episode.
"Isang ama na mapagmahal sa pamilya, mahal na mahal niya 'yung asawa niya, gagawin niya lahat para mapasaya 'yung asawa niya. But sa kasamaang palad..." pahayag naman ni Robert.
Ayon naman kay Isay, patotohanan ng istorya na mayroon talaga forever.
"Ang story na ito ito 'yung totoo na may forever na kahit nawala na 'yung asawa niya, talagang naghanda siya para, alam niya kasi na malulungkot siyempre dahil maiiwanan niya. Pinaghandaan niya pa rin 'yung kanilang anniversary, 'yung kanilang Valentine's Day," anang aktres.
Unang napanood sa GMA News "24 Oras" ang kuwento ni Aly Mendoza tungkol sa walang hanggang pag-ibig ng ama niyang si Bing sa nanay niyang si Joji.
Ilang buwan matapos pumanaw si Bing, nakatanggap ng mga e-mail si Aly na naglalaman ng mga bilin para patuloy na maalala ang mga espesyal na okasyon para sa kaniyang ina.
Enjoy daw agad ni Barbie na kasama sina Robert at Isay sa set.
"Sobrang kulit kasi hindi ko alam kung saan po nila nakuha, pero as in 'yung first meeting namin dito sa set, ang unang tanong agad sa akin, 'Are you married?'" kuwento ni Barbie.
"'Po? Mukha po ba?'" natatawang sagot daw ni Barbie.--Jamil Santos/FRJ, GMA News