Pagdating sa kanilang kissing scenes, inihayag ni Rita Daniela na mas palaban siya kaysa kaniyang on-screen partner na si Ken Chan. Kasabay nito, sinabi ng aktor na "wife material" ang tingin niya sa aktres.
Sa "Mars Pa More," sumabak sina Rita at Ken sa telepathy challenge para masubok kung gaano nga ba sila ka-close sa isa't isa.
Natanong sila kung sino sa kanila ang mas maalaga kahit off-cam.
"Mas maalaga si Ken Chan... sa sobrang pag-aalaga nga po kitang kita niyo naman ang laki-laki (ko) na 'di ba?" biro ni Rita sa kaniyang sarili.
"Mine-make sure ko talaga na mas naaalagaan ko siya kaysa sa naaalagaan niya ako," ayon naman kay Ken.
"Pero itong si Rita, sobrang maalaga rin 'yan. Kahit sa taping, sa shooting, very thoughtful siya. Alam niya kung gutom na ako, alam niya kung malungkot ako, alam niya kung ano 'yung gusto kong gawin, gusto kong kainin, alam niya," dagdag naman ni Ken.
Pero pagdating sa kissing scenes, pareho silang nagkasundo na si Rita ang "mas agresibo."
"I think na-built up 'yung ganu'ng feeling of doing that intimate scene with him, nag-start siya with 'My Special Tatay," paliwanag ni Rita.
"Kasi si Aubrey, 'yung character niya has a very strong personality, very aggressive. So kailangan talaga na makita na mas, alam mo 'yung, hindi talaga siya (Boyet) makakapalag. So I think nadala namin 'yun kahit saang show," dagdag pa ng aktres.
Kasabay nito, muling sinabi ni Ken na si Rita ang klase ng babae na hindi mahirap mahalin.
Katunayan, "wife material" at hindi "girlfriend material" ang tingin kay Rita.
"Ako kasi nakikita ko kasi mom ko sa kaniya. Mataas na point yung sa akin na, "Ah ito yung isang babae na talagang dapat seryosohin," paliwanag ni Ken.
Tulad daw kasi ng kaniya ina na sweet, maalaga, at ginagawa ang lahat sa kaniyang ama, at maging sa kanilang mga anak, sinabi ni Ken na ganun din ang nakikita niya kay Rita.
"Nakikita ko na very selfless siya pagdating sa pamilya, lahat binibigay niya sa family niya," saad ni Ken tungkol kay Rita.
Muling magtatambal ang "RitKen" nina Rita Daniela at Ken Chan sa bagong Kapuso drama series na "Ang Dalawang Ikaw," kung saan gaganap si Ken bilang isang tao na may multiple personality.
Natapos na ng RitKen ang kauna-unahan nilang movie na "Ang Huling Ulan sa Tag-araw" sa Pagsanjan, Laguna.--FRJ, GMA News