Sa online talk show na "Just In," binalikan ni Daiana Menezes ang kaniyang pagiging Dabarkads ng "Eat Bulaga," at kung paanong kinagigiliwan siya dahil sa balu-baluktot niyang Tagalog.
"Nakakatawa ako noon, ang bulol ko talaga noon," natatawang kuwento ni Daiana sa pag-alala sa kaniyang karanasan.
Pag-amin pa ni Daiana, sensitibo siya noon sa mga pagtawa sa kaniya ng mga tao sa tuwing susubukan niyang mag-Filipino.
"Noon, nu'ng nangyayari 'yun sa akin, like sensitive ako and then nagsasalita ako ng Tagalog tapos mali and then pinagtatawanan ako lahat ng audience, ng mga tao sa paligid ko, feeling ko ang tanga-tanga ko. 'Oh my God bakit pinagtatawanan nila ako?'"
At dahil hindi pa siya sanay noon sa kultura ng Eat Bulaga, mabilis daw siyang maniwala sa mga joke.
"Pero siyempre, I'm super patola... So kapag may joke, maniniwala talaga ako. And if you say something about me, 'Really?' Ganu'n ako, naive."
Gayunman, natuto rin ang Brazilian actress-model na makipagsabayan at makipagkulitan sa kaniyang mga ka-Dabarkads.
"Until talaga I learned, that is something na gusto ng mga tao," sabi ni Daiana.
"It was a great 'school' for me 'yung Eat Bulaga, It's the biggest school that any artist can ever have."
Naging Dabarkads si Daiana mula 2007 hanggang 2012 o halos anim na taon.
"I really know. Kasi siyempre, that was I think pinakamalaking achievement ko dito. There's nothing that can beat Eat Bulaga," sabi niya.--FRJ, GMA News