Inihayag ni Miss International 2013 Bea Santiago na limang beses siyang nagpapa-dialysis sa loob ng isang linggo dahil sa kaniyang Chronic Kidney Disease o CKD.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Bea ang pagbisita niya sa Toronto General Hospital sa Canada.
"So I’ve been having a hard time with my protein intake and now I have low phosphate, low hemoglobin and having muscle aches," sabi ni Bea.
Inirekomenda raw sa kaniya ng kaniyang mga doktor at nutritionist ang maraming vegan options. Pero matapos ang dalawang buwan, sinabi ni Bea na pescatarian na siya tuwing weekend at vegetarian kapag weekdays.
"I need weekly Aranesp and Iron shots to help me since I dialyze 5x a week and each time is 8 hrs while I sleep. Works like magic," saad ng beauty queen.
"I love being plant based and right now Im gonna slowly transition AGAIN! Only problem is IM A LAZY COOK and a dialysis patient. Still recommending to all to live by a plant- based diet just make sure u eat proper nutrition," paghikayat ni Bea.
Nag-post din si Bea ng "Kidney Dialysis 101" tungkol sa kaniyang pagkuha ng kaniyang blood samples para sa monitoring ng kaniyang dugo buwan-buwan.
Taong 2018 nang ma-diagnose si Bea na may Chronic Kidney Disease. Sa kabila nito, naging bukas siya na ibahagi sa publiko ang kaniyang karanasan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News