Bilang isang kilalang personalidad na mayroon ding mga pimupuna, pinapayuhan ni Senator at "Pambansang Kamao" Manny Pacquiao ang kaniyang mga anak tungkol sa pagkakaroon ng mga basher, lalo na si Michael na nalilinya sa musika.
"'Yung mga anak ko kasi, especially Michael, hindi siya sanay doon sa mga... siyempre, hindi lahat ng [tao] sa social media magsu-support sa'yo, magpupuri sa'yo, may mga basher din. Minsan hindi niya ma-handle, nalulungkot siya, minsan umiiyak, nagsusumbong sa amin," kuwento ni Manny sa Kapuso Showbiz News.
Para sa boxing icon, hindi lahat ng tao ay mapapasaya ng kaniyang anak, kaya hinihikayat niya ito na unawain na lang maging ang mga kritiko.
Naka-relate naman si Manny sa kaniyang anak, dahil maging siya ay may bashers din.
"Pero sabi ko, pinapaintindi ko sa kanila na ganu'n talaga. You cannot please everyone, everybody. So may mga magba-bash sa'yo. 'Intindihin mo na lang 'yan," pagbahagi pa ng senador.
Patuloy niya, "Before 'yung daddy niyo rin, from the beginning of my career until now, may mga basher talaga. Pero 'yung mga basher na 'yun hindi ako galit sa kanila. Doon ako humuhugot ng inspirasyon para ipakita sa sarili ko na hindi ako gano'n.".
Suportado nina Manny at Jinkee si Michael sa rap career nito, na meron na ring YouTube channel.
Nag-trending online si Michael noon matapos i-release ang song collaboration nila ng kaniyang kaibigan na "Pac-Man," kung saan hinangaan siya ng netizens sa galing niya sa pagbitaw ng bars.--FRJ, GMA News