Si Gabbi Garcia ang host ng bagong lifestyle show ng GMA Public Affairs na “IRL” o “In Real Life,” kung saan tatalakayin ang mga isyu na kinahaharap ng kaniyang mga kahenerasyon tulad sa buhay, love life, finances at iba pa.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras,” sinabing magiging espesyal ang pilot episode ng IRL dahil makakasama ni Gabbi ang kaniyang boyfriend na si Khalil Ramos bilang co-host.
Kinunan din ang pilot episode sa Tagaytay, na kanilang go-to place ng magkasintahan.
“We tackled about love issues, relationship issues, advises, personal issues when it comes to our relationship, assumptions about our generation, a lot of topics. Mapapansin ng iba na mahilig mag-job hop ang mga millenials or Gen Z, what’s your take on that, ’yung mga ganu’n,” paliwanag ni Gabbi.
“Bukod sa mga fun part ng show, meron talagang matututunan,” dagdag ni Millenial It Girl.
Ibabahagi rin ni Gabbi ang kaniyang mga karanasan at mga natutunan sa buhay.
“Okay lang mag-ipon pero okay ding gumastos when it comes to rewarding yourself. Siguro dapat balanse tayo,” saad ni Gabbi tungkol sa finances.
Hinggil naman sa social media, “Social media can have its pros and cons. It can be a weapon or it can also be at your advantage.”
“Parang masyado na kayong nagdu-dwell on each other’s lives. ‘I feel like it’s gonna be toxic.’ So keep your personal identity kahit na nasa relationship ka,” sabi naman ni Gabbi tungkol sa lovelife.
Mapapanood ang IRL sa GMA News TV.
Bukod dito, naghahanda na rin sila ni Khalil sa Kapuso series na “Love You Stranger.” – Jamil Santos/RC, GMA News