Hindi napigilang maging emosyonal ng Eat Bulaga "Dabarkads" at ni Mayor Lani Mercado matapos marinig ang kuwento ng mga anak na may mga inang may psychiatric conditions sa "Bawal Judgmental" segment.
Si Mayor Lani ng Bacoor ang panauhin sa naturang segment, kung saan nakiisa naman ang Eat Bulaga sa pagdiriwang ng nagdaang World Mental Health Day nitong Oktubre 10.
Ilan lamang sa mga pinagdadaanan ng mga nanay ang psychosis, bipolar disorder, schizophrenia at dementia.
Isa sa mga choices si Rick, na ikinuwento ang hirap na siya lang ang umaakay hindi lang sa kaniyang nanay kundi pati na rin sa kapatid, na parehong may kondisyon sa pag-iisip.
Si Bong naman, tila na-stress ang nanay nang ikuwento ng kanilang katulong na nagtangka ang asawa nito na manloob sa kanilang bahay at patayin ang kasambahay gamit ang kutsilyo.
Nagdulot sa pagkakaroon ng schizophrenia ng nanay ni Bong ang kuwento.
Si Jocelyn, naiyak nang maalala ng nanay na may dementia ang kaniyang pangalan.
"Nabanggit niya po talaga 'yung pangalan ko. Naiyak po ako nu'ng time na 'yun na sa aming magkakapatid, ako lang po talaga 'yung natatandaan niya," kuwento ni Jocelyn.
"Bossing, nakakaiyak naman. Parang Mother's Day special ito! Ang bigat!" komento ni Mayor Lani.
"Ang lakas ng aircon na tumatama sa mga mata namin," pabirong sabi ni Jose.
"Marami akong natutunan ngayong araw na ito. At tsaka mai-share ko lang sa inyo, tatagan niyo lang," payo ni Mayor Lani sa mga choices.
Ikinuwento ni Mayor Lani na maging ang nanay niya ay meron ding kondisyon sa pag-iisip.
"When my mom was still alive, she had Alzheimer's and dementia. So, kailangan matibay lang kayo. Malaking bagay na may mga kapatid kayong umaalalay at tumutulong sa inyo. At saka trabaho lang, trabaho lang. Love your parents, no matter what situation they are in, magulang niyo pa rin sila, nanay niyo pa rin sila. Tatag lang, tibay lang, 'yun ang importante, and stay happy," anang mayora. – Jamil Santos/RC, GMA News