Tatlong linggong nag-aral sina Thea Tolentino at Jeric Gonzales ng sign language para magampanan ang kanilang mga karakter sa istorya ng isang lalaking deaf-mute na umibig sa kaniyang guro sa "Magpakailanman."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi nina Thea at Jeric na isang malaking hamon para sa kanila ang gumanap sa espesyal na episode na mapapanood sa darating na Sabado ng gabi.
"'Yung pagganap ko sa role ni Alex medyo challenging talaga kasi unang-una kailangan ko mag-aral ng sign language. And then kung paano maka-relate doon sa the way silang mag-communicate sa tao," sabi ni Jeric.
"Ang hirap po pagsabay-sabayin ng emotion, pagsabi ng linya at the same time nagsa-sign language," ayon naman kay Thea.
Naglaan ng tatlong linggo sina Thea at Jeric para pag-aralan sign language. At mismong ang guro na si Beth, ang karakter na ginagampanan ni Thea, ang nagturo sa kanila ng sign language.
Mismong ang mga dialogue sa script ang sign language na kanilang pinag-aralan.
"Nabigyan talaga kami ng time na mag-aral and ang nagturo sa amin talaga mismo 'yung titser herself na si Ms. Beth so naging mas madali 'yung pag-aaral namin," ani Jeric.
At habang tinuturuan sila ni Beth ng sign language, doon na rin nila nakilala ang karakter ni Jeric na si Alex.
"Nakakatuwa lang po na habang kausap namin si Ms. Beth, napapakita nila 'yung side talaga nila ni Alex na talagang nagmamahalan sila kahit ngayong may edad na sila. May kilig pa rin," sabi ni Thea.
Naging tila reunion naman nina Thea at Jeric ang kanilang episode sa Magpakailanman.
Limang taon na nang huli silang magkasama sa teledrama na "Once Again."
"Na-miss kong ka-work si Thea kasi ang tagal naming hindi nagka-work. Ang dami naming pinagsamahan like nu'ng Pyra and Once Again, very comfortable talaga na katrabaho si Thea," sabi ni Jeric.
"Natuwa po ako na 'pag ka-close niyo po kasi 'yung katrabaho niyo mas madaling kumilos para mas bukaka 'yung emotions mo, mas nae-express mo nang hindi ka nahihirapan masyado," ayon naman kay Thea.--Jamil Santos/FRJ, GMA News