Dahil nakaladkad ang pangalan ng kapatid kaugnay sa kontrobersiyal na pagdaan sa EDSA Busway ng isang Cadillac Escalade sport utility vehicle (SUV) na may "pekeng" plakang "7" na para sa mga senador, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, na hindi niya ipinapagamit sa iba ang nakatalaga sa kaniyang protocol plate No. 7.

"I never lent out my official-issued license plates to anyone. The official license plate [that] is installed on my car is duly registered with the LTO (Land Transportation Office)," pahayag ni Gatchalian sa mga mamamahayag sa isang Viber message.

Tugon ito ng senador kaugnay sa mga tanong kung ginagamit ng kapatid niyang si Kenneth Gatchalian, ang nakatalaga sa kaniyang protocol plate.

Una nang itinanggi ng tanggapan ng senador na pag-aari nito ang plaka na tinukoy ng LTO na peke.

Wala rin umanong kaugnayan ang mambabatas sa Orient Pacific Corporation, na unang iniulat na nakarehistro ang SUV.

Lumalabas naman na presidente ng naturang kompanya si Kenneth.

"Senator Gatchalian was not involved in the incident at the EDSA busway in Guadalupe and was not inside the vehicle when it occurred... The senator does not own the fake protocol plate of the said SUV,"nakasaad sa inilabas na pahayag ng tanggapan ng senador.

"The senator does not own the Cadillac Escalade. The vehicle is registered under Orient Pacific Corporation. Furthermore, Senator Gatchalian has no connection to Orient Pacific Corporation whatsoever," dagdag pa nito.

Sa ambush interview nitong Huwebes, sinabi ni Sen. Gatchalian na ipinapaubaya na niya sa LTO ang imbestigasyon tungkol sa naturang insidente.

"Mahirap namang mag-comment habang nag-iimbestiga sila. The LTO naman ay on top of the situation," pahayag ni Gatchalian.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni Gatchalian na, "I do not condone the traffic violations committed by the management of Orient Pacific Corporation."

Sa 23 taon umano niya sa public service, sumusunod umano siya sa "rules and the law of our land."

"Susunod tayo sa batas sa lahat ng pagkakataon. Ito ang ating prinsipyo bilang isang lingkod-bayan sa loob ng mahabang panahon," giit niya.

Sinita ang SUV noong Linggo dahil sa pagdaan sa EDSA busway sa Guadalupe Station's northbound lane. Unti-unti pang umuusad ang sasakyan kahit may nakaharang na traffic enforcer.

Sa video post ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), nakitang umalis ang SUV kahit pinatitigil ni Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT.

Nitong Miyerkoles din, lumantad na ang driver ng SUV, na empleyado ng Orient Pacific Corporation, na nagma-may-ari umano sa sasakyan.

Tumanggi ang abogado ng kompanya na tukuyin kung sino ang may-ari o mga opisyal ng Orient Pacific Corporation.

Pero sa nakuhang kopya ng GMA Integrated News Research tungkol sa mga opisyal ng Orient Pacific Corporation, nakasaad na presidente nito si Kenneth, na kandidato ring kongresista sa Eleksyon 2025.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News