Naging emosyonal si Mikee Quintos matapos maalala ang kaniyang pumanaw na lola at ang paggabay nito sa kaniya habang binabalikan ang mga pinagdaanan pagsubok sa buhay gaya nang ma-scam at ma-diagnose na may Polycystic ovary syndrome o PCOS.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Mikee kung paano niya hinaharap ang mga dumadaang pagsubok sa kaniyang buhay.

"I pray. May ugali kasi ako na planner ako. Kung kaya ko ayusin mag-isa, aayusin ko, ipa-plano ko. Pero 'yun ang na-realize kong mali ko. Kasi kakaplano ko, nalilimutan ko nang mag-surrender kay Lord nang puwede kong i-surrender ko sa Kaniya," sabi ng Sparkle actress.

"Kasi hindi lahat kaya kong ayusing mag-isa. So 'yung hindi ko kayang ayusin, natutunan kong ibigay sa Kaniya. Noong nagawa ko 'yon, as in, doon ko lang na-feel 'yung peace," pagpapatuloy ni Mikee.

Habang nagsasalita, ipinakita ang ilang larawan ni Mikee kasama ang kaniyang pumanaw na lola, at doon siya nagsimulang maging emosyonal.

Para kay Mikee, ang bago niyang proyekto na "Lutong Bahay" na napanonood ngayon sa GTV ay "regalo" sa kaniya ng yumao niyang lola.

"Kasi itong Lutong Bahay, si nanay (lola) 'yung laging nagluluto sa bahay. So when we lost her, feeling ko gift niya 'yung Lutong Bahay," paliwanag ni Mikee.

"Na, somehow 'yung months na wala akong trabaho, na-depressed ako, sinisi ko ang sarili ko. Tapos with the PCOS, tumaba ako kaya na-connect-connect ko 'yun, na kasalanan ko bakit hinayaan ko ang sarili kong tumaba kaya wala akong work. 'Yung hate sa sarili. I think doon nanggaling 'yung depression. Kahit anong pep talk ni Paul (Salas), may bigat sa puso ko," sabi pa niya.

Kalaunan, nagdesisyon si Mikee na bumangon mula sa mga pagsubok.

"One day, nagising ako, sabi ko 'Tama na, pagod na akong magising na malungkot ako. I have to do something about this,'" sabi niya.

Ibinahagi ni Mikee ang kaniyang pinagdaraanan, hanggang sa mabigyan ng public speaking workshops ng management niyang Sparkle GMA Artist Center.

"Feeling ko binulungan ako ni Lord, na 'Oy, gumalaw ka. Tama na ang pagmumukmok Mikee,'" saad niya.

Matapos ang ilang buwan, si Mikee ang napiling mag-host ng "Lutong Bahay."

Inilahad ni Mikee kung ano ang pinakamahirap niyang naranasan sa kaniyang mga pagsubok.

"'Yung doubt sa sarili. 'Yung naging effect ng pagsasama ng lahat. 'Yung pinakamahirap, tinry (try) kong i-handle mag-isa, hindi ako humingi ng tulong kay Lord. 'Yon ang naging mahirap for me," lahad niya.

Matatandaan na naghain sina Mikee, ang nobyo niyang si Paul Salas, at iba pa umanong biktima ng reklamong estafa laban sa isang cryptocurrency group noong nakaraang taon.

Umabot umano sa P8 milyon ang ang natangay sa kanila.

Oktubre naman nang ibahagi ni Mikee na na-diagnose siya ng PCOS, at sumasabak siya ngayon sa kaniyang weight loss journey.

Napanonood ang cooking-talk show na "Lutong Bahay" mula Lunes hanggang Biyernes ng 5:45 p.m. sa GTV.-- FRJ, GMA Integrated News