Hindi maaawat sa pag-arangkada ang phenomenal K-Pop group na BTS matapos na dumoble agad ang presyo ng shares ng kanilang kompanya na Big Hit Entertainment sa initial public offering (IPO) debut nito ngayong araw.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagbukas sa 217,000 won o mahigit $200 ang shares ng Big Hit Entertainment, kumpara sa kanilang IPO na 135,000 won nitong nakaraang buwan.
Tumaas din ang naturang stocks ng 30 porsyento, at nananatiling nasa Top 10 IPO debuts sa South Korean stock market, base sa first-day grossing price ng kanilang shares.
Umabot na rin sa 9.6 trillion won o mahigit $8 billion ang halaga ng Big Hit Entertainment.
May instant $16 million shares naman ang bawat pitong miyembro ng BTS na sina Jimin, Suga, J-Hope, V, Jin, Jungkook at RM.
Ang halos pagdoble ng presyo ng kanilang stocks ay resulta na rin ng global phenomenon na patuloy na pagsikat ng BTS.
Naging certified worldwide-hit ang chart-topping song ng K-pop group na "Dynamite."
Sila ang kauna-unahang South Korean artist na nag-number one sa Billboard Top 100 dahil sa latest single na ito.
May most number of views din sa YouTube ang music video ng Dynamite sa loob lamang ng 24 oras.
Mula nang mag-debut ang BTS noong 2013, gumagawa na sila ng record-breaking hits, hindi lang sa South Korea at Asya kundi maging sa Amerika.
Bagama't nakansela ang kanilang world tour dahil sa COVID-19 pandemic, tagumpay pa rin ang kanilang online concerts nitong Hunyo at Oktubre, na nagtala ng halos isang milyong viewers dahil na rin sa suporta ng kanilang fans na "BTS Army" sa buong mundo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News