Naging emosyonal si Kristoffer Martin habang ikinukuwento ang pagsubok na dumating sa kaniyang pamilya nang magka-COVID-19 ang kaniyang ina, ama at kapatid sa Olongapo.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakaramdam si Kristoffer ng magkahalong takot, lungkot at pangamba nang malaman niya ang balita.
Una raw nagpositibo sa virus ang kaniyang ina at makalipas ng dalawang araw ay nilagnat at nawalan na rin ng panlasa ang kaniyang ama at kapatid.
"Noon sobrang lala ng breakdown. As in, sabi ko, 'Ang layo ko, silang tatlo nagkasakit.' 'Yung wala kang magawa, hindi ka naman makauwi," sabi ni Kristoffer.
Pero nagpasiya si Kristoffer na umuwi sa Olongapo at nagpapasalamat siya dahil kinupkop siya ng isang kaibigan.
Si Kristoffer ang nagsilbing tagabili ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya tulad ng pagkain at gamot na iniiwan lang niya sa gate ng kanilang bahay.
"Tapos makikita mo si mama nasa labas, sa kuwarto ko kasi may bintana, matatanaw mo sa labas, nakaupo lang siya tapos nagfa-flying kiss lang siya, sisigaw siya ng 'I Love You anak.' Tapos 'yun 'yung mga parang nakakaiyak. Ako kasi nami-miss ko 'yung mama ko," naiiyak na sabi ni Kristoffer.
Mas nag-alala pa raw si Kristoffer dahil may iniindang diabetes ang kaniyang tatay.
"Sabi niya 'Parang nahihirapan akong huminga. Tapos sabi ko kay Dad 'paospital na tayo.' Sabi ni daddy 'Hindi, kaya ito anak. Wala pa naman,'" kuwento ng Kapuso actor.
Dahil sa nakakatakot niyang karanasan, nakita ni Kristoffer na mahalaga ang mga kaibigan bilang support group.
Maliban sa kaniyang nobya, ramdam na ramdan din aniya ni Kristoffer ang pagmamahal ng mga kaibigan na sina Bea Binene at Alden Richards.
"Ang dami kong iyak kay Alden. Sabi niya 'Tun nandito kami, magiging okay 'yan.' Si Bea first thing in the morning, 'yung boses niya parang kagigising lang, mangangamusta," ani Kristoffer.
Tapos na ang 14-day quarantine ng kaniyang ina, ama at kapatid.
Pagtapos ng ilang araw, ipadi-disinfect daw ng Kapuso actor ang kanilang bahay, saka siya uuwi.
"Pag-uwi ko, yayakapin ko si mama, kasi sobrang miss na ako ni mama. 'Yan 'yung palagi niyang sinasabi, 'Anak nami-miss na kita," sabi ni Kristoffer. --Jamil Santos/FRJ, GMA News