Kahit na semi-furnished pa lang, handa na raw na lipatan ni Rocco Nacino ang kaniyang dream house sa Antipolo Rizal. Inihayag din ng aktor parte ng bahay na pinakapaborito niya.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing may personal touch ang nobya ni Rocco na si Melissa Gohing, sa landscape design ng hardin.

Kilala ang volleyball star na mahilig sa mga halaman.

Inihayag naman ni Rocco ang paborito niyang parte ng kaniyang bahay.

"'Yung CR ko kasi, sa totoo lang mas malaki pa 'yung Master's shower and CR kesa sa bedroom. 'Yun ang magiging personal space ko," anang Kapuso actor.

Araw-araw na tinututukan ni Rocco ang konstruksyon at delivery ng mga supplier sa kaniyang bagong bahay.

Posible na niya raw itong malipatan ngayong Oktubre.

Nag-invest daw si Rocco sa storage space, lalo sa kaniyang kitchen area para magsilbi itong tambayan.

Merong industrial feel ang kaniyang kusina na may gray, white at wood na finish.

Ito raw ang sadyang inunang matapos ni Rocco.

"Dito ang kuwentuhan kaya ginawa ko siya very homey like this. In the future kapag may anak na, isang tawag lang maririnig ako, hindi siya 'yung sobrang layo na kuwarto," paliwanag niya.

"And of course para ma-maximize rin 'yung hangin dito, dahil Antipolo siya, marami siyang windows para hindi na ako magbayad ng air-con. Marami siyang windows para ma-enjoy ko ang view na meron ako," dagdag ng aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News