Nakapiling nang muli ng isang ina ang kaniyang anak na lalaki na higit isang taon nang nawawala matapos ibahagi ang kaniyang kuwento sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga" kamakailan.
Nitong nakaraang linggo, kabilang si Aling Muriel Morena sa mga pinagpilian ng celebrity guest sa "Bawal Ang Judgmental" na mga ina na nawawalan ng anak.
Special child ang anak ni Aling Muriel na si Earl John na nawawala mula pa noong Hulyo 2019.
Matapos ang naturang episode, nagkaroon ng mga impormasyon sa kinaroroonan ni Earl at sa pagtutulungan ng Eat Bulaga, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Angeles City local government, ay nakauwi na siya sa kanilang bahay sa Cavite nitong Martes, ayon sa rin sa anunsyo ng Eat Bulaga nitong Miyerkoles.
Ayon sa Metro Psych Facility sa Pasig City, ilang buwan nang nananatili sa kanila si Earl John.
"After the help of Angeles City, he’s been with us for months. We are so amazed that he survived,” sabi ni Metro Psych Facility general manager Marywynne Rivera.
“Hindi siya nagsasalita, hindi niya masabi 'yung nararamdaman niya,” dagdag ni Rivera.
Nadala si Earl John sa Cavite matapos makakuha ng clearance mula sa facility.
“Napakabuti po ng puso niyo, nagkita na po ulit kami,” saad ng inang si Muriel, na naiiyak habang pinasasalamatan ang mga tumulong na mahanap ang kaniyang anak.
“Malaking blessing po samin na natagpuan ko na anak ko,” sabi ng nanay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News