Ngayon tapos na ang taping sa kinabibilangang serye na "Descendants of the Sun," tinututukan naman ngayon ng aktor na si Rocco Nacino ang ipinapagawa niyang dream house na posibleng malipatan na niya sa susunod na buwan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nasa finishing ang dream house ng aktor at natuto raw siyang mag-"adulting" o alisin ang mga bagay na hindi naman niya kailangan sa bahay.

"Kasi sabi nila hindi nila gusto ang year 2020. Ako, iniisip ko na blessing pa rin siya kasi kine-claim ko ito 'yung taon na matatapos ko na 'yung dream house ko," sabi ni Rocco.

Mas namulat daw si Rocco sa "adulting" habang ipinagagawa niya ang kaniyang bahay.

"Araw-araw bumibiyahe ako doon para i-oversee kung ano 'yung mga kulang pa, 'yung mga hindi ko talaga kailangan. Kasi tulad noon bumili ako ng arcade machine. Hindi ko naman talaga kailangan 'yan, mas gusto kong bumili ng extra pinto o kaya inidoro para diyan," natatawang kuwento niya.

"So 'yung mga ganiyang bagay. Kung ano talaga 'yung kailangan ko at hindi 'yung gusto. Magandang journey para sa akin," sabi pa ni Rocco.

Dahil sa community quarantine, pansamantalang natigil ang konstruksyon sa ipinapagawang dream house ni Rocco.

Laging ibinabahagi ni Rocco sa fans ang paggawa ng kaniyang bahay, mula sa pagpapakita ng site o location, paunti-unting construction, hanggang sa mabuo at masimulan na ang paglalagay ng bintana, AC units at tiles.

Samantala, mami-miss naman ni Rocco ang kaniyang mga kapwa cast ng "Descendants of the Sun," lalo ang Alpha Team.

Nanibago raw si Rocco sa mga huling araw ng lock in taping dahil sa mga striktong safety protocols sa set.

"It was kind of hard to maintain social distancing. Kapag may lumalapit, 'Op op op!' Kami na 'yung tumutulong sa isa't isa na 'Ay teka lang, social distancing tayo, bawal lumapit, bawal magtanggal ng mask.' Pati kami ni Dong kinakabahan kami 'Naku magtatanggal na tayo ng mask. Ito na eksena na, walang hihinga!'" kuwento niya.

"May ganoong takot din but then everything was smooth," dagdag ng aktor.

Sa sampung araw ng kanilang taping days, minimal ang interaksyon nila sa kapwa cast at crew hangga't maaari kung hindi naman eksena.

"'Yung mga eksena siguro sa mga kilig scenes namin dinaan sa yakap. 'Yun na 'yung pinaka-extent. But ganoon pa man, ginawa ng direktor namin in a way na kung yakap man 'yan o tinginan man, sobrang nakakakilig, talagang babad," ani Rocco.--Jamil Santos/FRJ, GMA News