Nag-alis ng kaniyang wig si Paolo Ballesteros at ipinagamit sa isang panauhin na may alopecia sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga, matapos na marinig ang nakakaantig na kuwento nito.
Ayon kay Lhia, manipis na talaga ang kaniyang buhok nang ipanganak siya at hindi na tumubo maging sa kaniyang kilay at pilik-mata nang lumaki na siya.
Dahil dito, gumagamit siya ng synthetic wig at false eyelashes.
"Kasi nga ang basehan ko po dati sa kagandahan is kapag may buhok ka, 'pag may kilay ka, 'pag may pilik-mata ka, maganda ka. Lalo babae po ako," sabi ni Lhia.
Wala raw sa pamilya nila ang nagkaroon ng alopecia o pagkawala ng buhok kaya nagtataka siya kung bakit siya kakaiba.
"Madalas tampulan talaga ng pansin dahil 'Bakit ganoon 'yung suot niya, parang ang tigas ng buhok niya? One sided lang 'yung buhok niya.' So madalas po talagang tinatanong," anang guest.
Hindi rin daw naman naranasang magkakuto at mag-shampoo ni Lhia.
"Tanggap ko na rin naman po at sabi nga ng nanay ko, 'Isipin mo na lang na maganda ka, magiging maganda ka rin sa paningin ng iba.'"
Ayon kay Lhia, Alopecia Totalis na ang kaniyang kondisyon na mahirap nang gamutin, kaya pinili na niyang hindi magpagamot.
Hindi naman nahiya si Lhia na alisin ang kaniyang wig at ipakita ang tunay niyang kalagayan.
"Simula pa lang noong bata ako, dumaan na talaga sa bullying. Hindi naman maiiwasan 'yun, takot nga po akong lumabas ng bahay kasi baka ma-judge nga ako, baka asarin lang nila ako."
"Dumating din sa part na sinasabihan nila akong 'Kalbo ka! Ang pangit mo, wala kang buhok,' tapos dumating na rin sa part na hinahablot 'yung buhok ko. 'Yung pinaka-worst na naisip niyo, na-experience ko talaga siya. And hindi naging madali sa akin na gano'n 'yung mga condition," dagdag pa ni Lhia.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, nagpakatatag siya at nagsilbing inspirasyon sa mga bata rin na nakararanas ng alopecia.
"'Pag nalaman mo naman 'yung purpose mo, 'pag positibo kang tao, 'pag tinitingnan mo 'yung brighter side ng buhay mo, makikita mo talaga na may better plan si God," sabi ni Lhia.
Matapos nito, inalok ni Paolo si Lhia na i-try naman ang kaniyang blonde wig.
"'Yung ganito na-try mo na 'yung ganito? Kasi wig lang din ito eh," sabi ni Paolo.
Tanong ni Lhia. "Ang cute! Puwede ba?"
"Bet mo ba 'to? Miley Cyrus ka diyan," komento ni Paolo.
Panoorin ang kuwento ng iba pa pang tao na may alopecia at ang pagsubok na kanilang pinagdadaanan sa "Bawal Judgemental" ng "Eat Bulaga." -- Jamil Santos/FRJ, GMA