"Challenge accepted" para sa Pinoy cast ng "Descendants of the Sun" ang lock-in taping kung saan sinusunod nila ang mahihigpit na health protocols, para sa bagong episodes ng kanilang series.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing back to work na ang Alpha Team sa kanilang taping sa Tanay, Rizal.
Sa kaniyang post sa Instagram, inilahad ni "Big Boss" Dingdong Dantes na kahit challenging ang mga unang araw ng shoot, bonus naman ang nabuo nang "good and smooth" working relationship ng Alpha Team para sa kanilang adjustment.
Kinailangan pa raw bumiyahe ng ilang kilometro ni Dingdong para makakuha ng signal at kamustahin ang nami-miss na niyang pamilya.
Sa isang video naman na ipinadala nina Jon Lucas at Prince Clemente mula sa kanilang lokasyon, sinabi nilang malawak at presko ang hangin sa kapaligiran sa Tanay.
Bukod sa sinusunod ang health protocols mapa "on- or off-cam man," sumailalim din ang cast sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng swab test bago sila pumunta sa Tanay.
Araw-araw din mino-monitor ang kalagayan ng kanilang kalusugan.
"Talagang kahit saan ka magpunta rito, kahit sinong kausapin mo or sino ang lapitan mo, dapat lagi mong suot ang face mask tsaka face shield para na rin sa safety ng bawat isa," kuwento ni Jon.
"Pagka nagkita-kita kami, wala munang mga apir-apir tsaka laging naka-face mask," ayon kay Prince.
Ipinagbabawal din ang paggala ng mga nasa set kapag tapos na ang mga eksena, at limitado ang pagkikikita ng cast kapag walang taping.
Para sa Alpha Team, walang malaking hamon ang hindi nila malalagpasan.
"Dahil nga konti lang ang mga tao tapos konti lang din 'yung oras, dapat talaga bawat eksena ibigay mo na 'yung best mo," sabi ni Jon.
Excited na aniya ang Alpha Team dahil malapit nang mapanood ang mga bagong episode ng Descendants of the Sun.
"Sobrang saya kasi after almost six months tayong walang taping, tapos ngayon balik-taping na. So sobrang nakakatuwa na finally, ito na," sabi ni Prince. —LBG, GMA News