Mula nang bumisita sa Cebu noong 2016, nabighani na agad ang Amerikanong vlogger na si Dustin Borglin sa ganda ng lalawigan at kabaitan ng mga tao. Kaya naman bumalik siya sa bansa pero na-stranded nang magkaroon ng pandemya. Ngunit sa halip na malungkot, nag-enjoy ang dayuhan sa simpleng buhay-probinsiya at nagmistulang "Santa Claus" sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Mula sa Michigan, USA, bumalik si Dustin sa Cebu nitong nakaraang Marso at inabutan na siya ng lockdown. Nakituloy muna siya sa bahay nina Raymund at Reche Adoptante na kaniyang nakilala nang una siyang magpunta sa lalawigan.
Dito, natuto na si Dustin ng simpleng pamumuhay sa Cebu at naging masaya sa mga pagkaing inihahain sa kaniya. Katunayan, siya na mismo kung minsan ang nagluluto at kumukuha ng mga iluluto niya.
Nang makita niya ang dinadanas na hirap ng ilang taga-Cebu ngayong may pandemic, nagpasya siyang libutin ang probinsiya sakay ng motorsiklo para mamigay ng pera at ayuda, na mula sa kinikita niya sa vlog.
Nagpatayo pa siya ng palikuran o CR sa kanayunan sa Toledo City bilang maagang pamasko sa mga tao. Higit dito, pinagawan din niya ng bahay ang mga kaibigan niyang kumupkop sa kaniya.
"They're like my family. I've known them for almost three years now, and they've just been so kind to me," sabi ni Dustin.
"It doesn't matter how much money you have. It doesn't buy happiness. They might not have a lot but everyone here is very, very happy," anang vlogger.
Kilalanin pa lalo si Dustin at alamin ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." --Jamil Santos/FRJ, GMA News