Binalikan nina Shaira Diaz at EA Guzman ang pagsisimula ng kanilang love story. Sinabi ng dalaga na hindi niya kaagad nagustuhan si EA nang una silang nagkita at "nandiri" pa nga siya sa aktor. Bakit kaya? Alamin.

Sa vlog ni EA, ikinuwento niya ginawan niya ng kanta ang love story nila ni Shaira sa kanilang ikatlong anibersaryo.

Unang nagkakilala sina EA at Shaira noong contestant pa lang ang aktres sa isang reality show, at guest noon si EA.

“Nag-rehearsal kami. So wala, deadma lang ako. Ako naman, kasi every time na bababa ako ng kotse, magpapabango ako," kuwento ni EA sa una nilang pagtatagpo ni Shaira.

“Tapos, after rehearsal, uwi. Wala, deadma, wala akong naramdaman na kahit ano na gusto ko siya, na nagagandahan ako sa kaniya,” paglalahad pa ni EA.

Ikinuwento naman ni Shaira kung bakit "nandiri" raw siya noon kay EA.

“'Yung rehearsal kasi sa G-Force, eh kasi pagkita ko sa kaniya, naka-sando lang siya, 'yung hanggang dito, 'yung hanggang sa kili-kili," sabi ni Shaira.

Pagpapatuloy ni Shaira: “So, siyempre, dahil naka-sando nga, kita 'yung buhok sa kili-kili, 'di ba? So sabi ko, 'Ano ba yan?' Sasayaw kami, siyempre hindi naman maiiwasan na mapawisan."

"So, nandoon pa lang, medyo nandiri ako kasi siyempre may mga yakap-yakap tapos pawis siya. Malay ko ba kung ano 'yung amoy noong kili-kili niya no'n," natatawang kuwento ng aktres.

Pero bumilib naman si Shaira na nagpabango si EA.

“Kaya ayoko siya noon. Pero ano naman, naligo sa pabango. 'Yun 'yung isa kong iko-commend sa kaniya na kahit rehearsal, nakalabas man 'yung kili-kili, mabango naman,” sabi ni Shaira.

Hanggang sa nag-top 1 si Shaira sa grading ng reality contest.

Kuwento ni EA: “After that, first time niya mag-Top 1. Sobrang saya niya. After the performance, sa backstage, ito na si ate girl. Baba ako, balik ako sa stand-by area, yakap siya. 'Thank you,' gumano'n."

“So ako, siyempre ako bilang lalaki, sabi ko, 'Hala, sobrang aggressive naman nito. Kasi para sa akin, puwede namang sabihing 'thank you' lang," kuwento ni EA.

“Nasa isip ko, 'Baka may gusto siya sa akin,'” biro ni EA.

Matapos ang pangyayari, muli silang nagkita sa isang mall show.

"Pag-upo ko sa backstage, ito na si baba (Shaira), galing stage, bumababa ng backstage. Pagtingin ko sa kaniya, napa-second look ako. I swear," kuwento ni EA.

"Ako, naniniwala ako sa gano'n sa mga pelikulang napapanood natin, sa mga love story na napapanood natin, mapa-teleserye man o pelikula, 'yung talagang nag-i-slow mo at nagpapa-second look ka doon sa tao, dahil hindi mo alam kung ano ba, na-mesmerize ka ba, dahil sa kagandahan niya or sa kagwapuhan. “Totoo po 'yun. Na-experience ko po 'yun,” kuwento ni EA.

"Habang papalapit siya, sinasabi ko sa sarili ko, 'Ay puwede pala ito.' It means maganda pala siya, okay pala siya. Puwede pala!" sabi pa ng Kapuso actor.

“After that, gumawa akong paraan para makuha 'yung number niya para hindi ako mahalata na may gusto na ako sa kaniya," pag-amin ni EA.

"Siya talaga ang may gusto sa akin, hindi ko ine-expect!" biro naman ni Shaira.

Nakuha ni EA ang number ni Shaira sa pamamagitan ng best friend ni Shaira, at doon na nagsimula ang kanilang relasyon.

Sinagot ni Shaira si EA nang magbakasyon sila kasama ang pamilya ni Shaira sa Quantico, Virginia sa U.S.

“Dapat sasagutin ko siya, through sa sand, buhangin sa beach, kaya lang gabi na. Trinay ko magsulat ng 'Yes' na malaki, kaso hindi kita,” kuwento pa ng aktres. --FRJ, GMA News