Nagbukas si Benjamin Alves ng kaniyang online flower shop business ngayong may COVID-19 pandemic,  at mga naglalakihang Ecuadorian roses ang kaniyang ipinapadala.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Benjamin na panonood ng K-drama ang kaniyang pinagkaabalahan nitong panahon ng community quarantine pero naisip niyang hindi maaaring ganito lang ang maging takbo ng  kaniyang buhay ngayong may pandemic.

"Kaysa naman mag-stay lang sa bahay na walang ginagawa, I wanted to be productive. We found that there is still a market for sending flowers or reaching out to people. I just wanna send something, reach out to somebody, eh hindi na natin magawa physically. So that's where the concept came up," sabi ni Benjamin.

Pero hindi mga ordinaryong bulaklak ang dine-deliver ng shop ni Ben kundi mga naglalakihang Ecuadorian roses.

"They are known to have the best-looking roses, the biggest roses," paliwanag ni Benjamin.

Natuwa naman si Benjamin sa suportang natanggap niya sa mga kapwa niya Kapuso stars.

"Since it was Sanya's birthday recently I sent her one, they are in a shopping bag... Lovi, our very first one, and Janine," saad ng aktor.

Patuloy pa rin daw tututukan ni Benjamin ang kaniyang negosyo kahit may dumating nang trabaho.

Masaya ring ibinalita ng Kapuso actor na maayos ang kalagayan ng kaniyang pamilya sa Guam kahit ipinatupad din doon ang lockdown.

"I just try to keep them in my prayers and I also make sure that I get to talk to them at least once a day," sabi ni Ben.

Na-e-excite rin siya na meron na siyang acting job matapos ang limang buwang pananatili sa loob ng bahay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News