Aminado si Senador Ramon "Bong" Revilla na nagpapagaling pa sa COVID-19 na nasasaktan siya na may mga taong nagnanais na mamamatay na siya.
"Minsan po nakakalungkot. 'Yung ibang tao imbes na i-wish ka na gumaling ka, may nagwi-wish pa na mamatay ka na. Nakakalungkot," saad ng action star turned politician sa kaniyang Facebook live video.
"Pero ganunpaman, sa akin, pinapatawad ko sila. 'Di nila alam ang ginagawa nila," patuloy niya.
Naniniwala naman daw ang senador na mas maraming tao ang nagdarasal sa kaniyang paggaling, at pinasalamatan niya ang mga ito.
"Mahal ko pa rin kayo kahit winish ninyo ako ng ganun dahil alam ko naman [na] mas maraming tao ang nagdadasal para sa aking mabilis na paggaling,'' ayon pa kay Bong, na nagsabing inakala niyang katapusan na niya.
Agosto 9 nang ipaalam na nagpositibo sa COVID-19 ang senador.
BASAHIN: Bong Revilla sa epekto ng COVID-19: ‘Giniginaw ako. Nagchi-chills ho ako’
Noong Agosto 18, sinabi ng kaniyang maybahay na si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla na dinala na sa ospital si Bong dahil nagkaroon na siya ng pneumonia kaya hindi na puwedeng i-isolate na lang sa bahay.
Matapos ang ilang araw na pagkakaratay sa ospital, pinayagan na rin siya ng mga duktor na makauwi.
Naharap noon si Bong sa kasong plunder kaugnay sa umano'y maanomalyang paggamit sa kaniyang pork barrel funds pero pinawalang sala siya ng korte noong 2018.
Walang partikular na taong tinukoy si Bong kung sino ang mga nanalangin na mamamatay na siya. Pero payo niya sa publiko, ihiwalay ang sarili sa pamilya kapag nakaramdam ng sintomas ng COVID-19.
"Kung mahal ninyo po ang pamilya ninyo, kung pupuwede ay humanap na po kayo agad ng lugar na puwede ninyong puntahan na mai-isolate ang sarili ninyo," payo niya.
Si Bong ang ika-apat na senador na dinapuan ng COVID-19.
Ang mga senador na gumaling sa naturang virus ay sina Sens. Koko Pimentel, Miguel Zubiri at Sonny Angara.--Dona Magsino/FRJ, GMA News