Ipinagluluksa ni Kim Domingo ang pagpanaw ng kaniyang "nag-iisang" best friend dahil sa sakit sa baga. Ang kaligayahan daw nito, ang makitang laging masaya at magkaroon ng sariling pamilya at mga anak ang aktres balang araw.
Sa kaniyang official Facebook page, nagsulat si Kim ng madamdaming pag-alala para sa kaniyang matagal nang best friend na si Zacharael Gelzz o Gel.
MY BESTFRIEND AND MY GUARDIAN ANGEL ????? Napakasakit ! Wooo First of all never sumagi sa isip ko na susulatin ko ang mga...
Posted by Kim Domingo on Thursday, August 20, 2020
Sinimulan ni Kim ang kuwento niya sa kung paano sila nagkakilala sa high school ni Gel noong 2010.
Sa kuwento ni Kim, nasaksihan ni Gel ang unti-unting pagkilala kay Kim ng mga tao bilang isang model at kalauna'y artista.
Kahit isang celebrity na si Kim, hindi naman nawala sa kaniyang tabi si Gel na laging naroon sa kaniyang mga Bubble Gang taping, out of town shows, events at guestings.
Bukod dito, travel buddies din sina Kim at Gel.
Hanggang sa isang araw, nagkasakit si Gel at nadiskubreng meron siyang lung mass o bukol.
Gumaling panandalian si Gel, pero bumalik ang sakit at kinailangan siyang i-biopsy.
Nahirapan si Gel sa paghinga, at kinailangan siyang ilaboratoryo, at para na rin matiyak na wala siyang COVID-19. Lumabas naman siyang negatibo sa virus.
Ngunit kailangang sumailalim si Gel sa mga test, at lagyan ng swero at oxygen.
"TUTUBUHAN DAW SI ANGEL, KRITIKAL DAW LAGAY NYA," text daw ng nanay ni Gel kay Kim.
Kinailangang patulugin si Gel dahil hirap na hirap na ito, pero naniwala pa rin daw si Kim na gagaling ang kaniyang best friend.
Hanggang sa ibalita na ng ina ni Gel kay Kim: "ATE WALA NA PO SI KUYA HINDI NA PO NYA KINAYA."
"You are one of a kind! Bakit ang bilis mo naman ako iniwan! Hindi ko to napaghandaan! Masyado pang maaga! Yung dream house ko may sarili ka pang kwarto doon eh! Yung magiging negosyo ko kasama ka pa mag ribbon cutting doon! Tapos magtatravel pa tayo sa kung saang saang bansa ulit! Kakainin natin lahat ng masasarap! Tapos tatawa lang tayo ng tatawa," mensahe ni Kim kay Gel.
Napaiyak daw si Kim nang malaman niyang tanging kaligayahan niya ang hangad sa kaniya ng kaniyang best friend.
"One of our friends told me habang nasa burol mo sabi nya ang sabi mo daw sakanya 'PRE KAHIT HINDI NA AKO MAG ASAWA MAKITA KO LANG MAGKAROON PAMILYA SI KIM, MAGKA ANAK SYA MASAYA NAKO' and sobra akong napaiyak doon!!! Like grabe! Hindi mona inisip yung ikaw. Ako lagi mong iniisip yung happiness ko at kung ano makakabuti para sa akin. Maraming salamat Gel."
Mensahe pa ni Kim: "Even it's really hard to accept, may parteng masaya na din ako dahil hindi ka na mahihirapan dahil hindi ko kaya makita kang hirap na hirap. Ang sakit sa dibdib ko. Alam ko palagi ka lang nasa tabi ko at alam ko someday ikaw mismo gagawa ng way para mapunta ako sa lalaking deserve ko at maging masaya. Alam ko noon pa man yung ang gusto mo." – Jamil Santos/RC, GMA News