Sa programang "Mars Pa More," makulit na nagbistuhan ang magkasintahang Janine Gutierrez at Rayver Cruz tungkol sa kanilang relasyon tulad sa pagreregalo.
Aminado si Janine na hindi siya masyadong maregalong tao at pinatotohanan ito ni Rayver dahil lumipas daw ang isang importanteng okasyon sa kanilang dalawa na wala siyang natanggap na regalo mula sa kasintahan.
"Sa isang pinaka-special day namin, hanggang ngayon wala pa. Wala pang gift," natatawang sabi ni Rayver.
"Wala pa siyang gift, so waiting pa ako kasi it's a very special day but I'm still waiting. Wait lang ako, magwe-wait pa ako," patuloy pa ng binata.
Pero may iniregalo naman daw sa kaniya si Janine na wallet na itinuturing niyang suwerte sa kaniya dahil sa pagpasok ng mga biyaya.
Kung hindi maregalong tao si Janine, tila iba naman si Rayver dahil maraming nabanggit ang aktres na ibinigay sa kaniya ng aktor gaya ng mga gadget na nagagamit daw niya ngayong community quarantine para sa kaniyang vlog.
Pero natawa ang dalaga dahil tila naisahan daw siya nang regaluhan siya ni Rayver ng Playstation, na gustong-gusto pa naman niya.
"Sabi ko wow! Playstation. Bata pa ko nung huling nagka-Playstation ako," natatawang sabi ni Janine. "Natuklasan ko eventually [kaya ako niregaluhan] dahil pala pagbisita niya [sa bahay] eh magpi-playstation siya. Wais."
"That's how I do it," natatawang singit naman ni Rayver.
Panoorin ang kulitan at iba pang bukingan ng magkasintahan sa episode na ito ng "Mars Pa More."--Jamil Santos/FRJ, GMA News