Inilahad ng cast ng "Bubble Gang" ang kanilang mga natutunan sa pagba-vlog, lalo na ang mga advantage at disadvantage ng mga artista. Si Paolo Contis, hanga raw sa vlogger na tumunganga lang nang dalawang oras pero nakakuha ng tatlong milyong views.
"'Yung [pagva-vlog] kasi parang trial and error siya eh. Meron ding disadvantage o advantage 'yung pagiging artista. Siyempre 'yung advantage mo kahit paano meron ka nang mga follower talaga," sabi ni Paolo sa Kapuso Showbiz News.
"Pero ang disadvantage is, natuklasan namin na 'yung sa YouTube vlogging, mas gusto nila 'yung natural eh, kung ano 'yung ginagawa. Disadvantage ng artista 'yan na minsan bina-blocking 'yung nangyayari, mas maganda 'yung set up tapos gagandahan ang editing tapos konti lang 'yung views mo," ayon pa kay Paolo.
Napansin daw ni Paolo na minsan, hindi rin kailangang gawing magarbo ang mga set-up o maging ang content.
"Tapos 'yung tao na nakatulala lang, tatlong milyong views. Medyo mind-boggling siya. Pero iba 'yon, 'di ba?," natatawang sabi ni Paolo.
Sinaluduhan naman ni Paolo ang galing ng mga vlogger sa pag-iisip ng mga magagandang content.
"Masaya na na-e-explore mo siya kasi bagong kaalaman siya and big respect to the vloggers talaga kasi hindi madali gumawa ng content every week or even everyday. Ako hirap na hirap na akong mag-isip," anang aktor.
"Sa simula po medyo nahirapan kami kasi iba po kasi 'yung viewers. Iba 'yung audience natin sa Facebook, iba sa Instagram, iba rin sa YouTube. So tiningnan po namin kung ano 'yung gugustuhin ng mga tao," sabi naman ni Lovely Abella.
Pagpapatuloy ni Lovely, "Gumawa po kasi siya [Benj Manalo] ng content, music video niya. Meron siyang mga tao na binabayaran, meron siyang cameraman tapos meron siyang pakain, may pamasahe pa. Tapos ang ending, lilima lang 'yung nanood."
Napag-isip din daw ni Paolo na mas gusto ng tao ang natural na content ng mga artista.
"Feeling ko sa actors, parang 'yun ang mas gusto ng tao, na huwag na kayong magpaka-vlogger. Feeling ko ang [gusto] sa amin ng tao is to see the normal day. Kasi mas maraming views 'yung gano'n ko na a normal day. I think it's also one way na nakikita nila kami kung ano 'yun ginagawa sa bahay na totoo, na hindi nakikita sa TV," sabi ni Paolo.
Sa ngayon, may higit tatlong milyong views na ang vlogger na nag-viral dahil sa pagtunganga niya nang dalawang oras at walang ginagawa. -- FRJ, GMA News