Ginamit ni Golden Cañedo sa makabuluhang paraan ang perang laan sana sa kaniyang debut party sa pamamagitan ng pagbili ng mga sako ng bigas na kaniyang ipamahagi sa mga kababayan sa Minglanilla, Cebu na naapektuhan ng COVID-19.

Sa isang press interview para sa release ng bago niyang single na  “Walang Hanggang Sandali” nitong Huwebes, sinabi ni Golden na nagplano ang kaniyang pamilya para sa kaniyang debut party nitong Abril pero ikinansela na lang dahil sa COVID-19 pandemic.

"So ang ginawa na lang po namin, ’yung money, na which is money na gagamitin sana namin for debut, is binili namin ng rice at binigay namin dun sa mga kababayan namin sa Minglanilla sa Cebu, sa mga tao na nawawalan po ng trabaho dahil sa COVID,” anang The Clash Season 1 champion.

Hindi raw napigilang maiyak ni Golden noong mga panahong iyon lalo nang makita niya ang hirap ng buhay ng ibang tao, lalo na ang mga nawalan ng trabaho.

“Kasi po, hindi ko po...parang, as me kung sa debut ko ’yon, matatanggap akong gifts, pero instead of ako ang makakatanggap ako na lang ang magbibigay para sa mga kababayan ko. Kasi naririnig ko lagi sa lola ko na ganito, ganyan, sobrang daming naghihirap, sobrang daming nagugutom,” sabi ni Golden.

“Doon ko po nakita kung paano sila umiyak kasi sobrang nahihirapan po talaga sila, nakikita ko po na nahihirapan po talaga sila,” patuloy niya.

Ipinagdiwang na lang daw ni Golden at ng kaniyang pamilya ang kaniyang ika-18 kaarawan sa pamamagitan ng mga lutong-bahay at pag-karaoke sa kanilang tahanan.

Pagsukli rin daw ito ni Golden sa kaniyang pamilya, na nakaranas din ng mga pagsubok noon, at minsan din daw na pumila para makatanggap ng tulong.

Ilulunsad ang bagong single ni Golden na “Walang Hanggang Sandali” sa Agosto 25 sa Barangay LS 97.1 FM.

Tungkol ito sa hindi inaasahang pagkikita at love at first sight. Ang mga awitin ay isinulat ng music veterans na sina Ebe Dancel, Jim Paredes, Yumi Lacsamana, at Herbert Hernandez. --Jamil Santos/FRJ, GMA News