Naipahatid na ni Willie Revillame ang ipinangako niyang tulong sa mga pamilya ng mga nasawing overseas Filipino workers (OFW) sa naganap na malagim na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakausap ni Kuya Wil nang live si Patrick Sumaculob, anak ng nasawing OFW na si Milagros Sumaculob noong Agosto 14.
Dalawampu't limang taon nang nagtatrabaho si Milagros, taga- Guimaras, Iloilo, bilang domestic household worker sa Lebanon.
Nakatakda sana siyang umuwi ngayong taon.
"'Yung ipinangako ko na magbibigay ako sa inyo ng tig-P100,000 cash, tulong namin sa inyo," sabi ni Kuya Wil sa kaniyang programang "Tutok To Win."
Personal ding nakausap ni Kuya Wil ang mister ng pumanaw ding si Perlita Mendoza.
"Kaya ako tumawag para personal na sabihin ko sa'yo na magbibigay ng P100,000 ang 'Tutok To Win,' GMA, kami na nandito para sa'yo," sabi ni Willie kay Giovanni.
Inilibing na si Perlita sa kaniyang bayan ng Lidlidda sa Ilocos Sur nitong Huwebes.
Iniabot naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang personal assitance na P220,000, maliban pa sa full-scholarship grant para sa kanilang 14-anyos na anak.
Natanggap na rin daw ng pamilya ang P100,000 na ibinigay ni Kuya Wil.
Bukod sa mga naulilang pamilya ng mga OFW, nagbigay din ng tulong si Kuya Wil sa mga jeepney driver na natigil ang pamamasada dahil sa pandemic.--Jamil Santos/FRJ, GMA News